Senior citizens, PWDs sa Las Piñas libre na sa parking fee

  • Mga senior citizens at PWDs sa Las Piñas libre na sa parking fee
  • Ang first 3 hours lang ang libre, ayon sa ordinansa
  • Nagpasalamat ang Las Piñas city government sa lahat ng commercial establishments na nakiisa sa kanilang programa para sa mga matatanda at may kapansanan

Simula sa susunod na buwan ay libre na sa parking fee sa unang tatlong oras ang mga senior citizens at persons with disability (PWDs) na residente ng Las Piñas sa lahat ng business establishments sa lungsod.

Imahe mula sa Las Piñas City

Ito ay matapos maaprubahan ng city government noong nakalipas na linggo ang City Ordinance No. 1623-19 na magiging epektibo sa ika-1 ng Disyembre.

Sa ilalim ng “Senior Citizens and Persons with Disability Free Initial Rate Parking Fee” city ordinance na ang may akda ay si Vice Mayor April Aguilar, ang lahat ng mga senior citizens at PWDs na residente ng Las Piñas na nagmamaneho o nakasakay sa sasakyan na pumarada sa isang commercial establishments o pay parking areas ay hindi na kailangang magbayad sa first three hours ng pagparada.

Kapag lumampas sa tatlong oras ay saka pa lang sila dapat singilin sa rate na ipinatutupad ng mga establishments.

Kapag ang establishments ay naniningil ng flat rate na parking fee ay hindi na rin sisingilin ang mga senior citizens at PWDs huwag lang lalampas sa apat na oras.

Ayon kay Vice Mayor Aguilar, isa sa mga proyoridad ng lungsod ay ang kapakanan na mga matatanda at mga may kapanasanan.

Imahe mula sa PIA

“This is one way of providing social services to our senior citizens and PWDs because their welfare is one of our priorities,” pahayag ni Vice Mayor Aguilar.

Ang mga lalabag sa ordinansa ay papatawan ng multang P1,000 hanggang P3,000 at 30 araw hanggang 6 na buwang pagkakakulong, depende sa desisyon ng korte.

Pinasalamatan ng city government ang lahat ng mga commercial establishments sa lungsod na nakiisa sa bagong ordinansa.

 

Loading…