Sino nga ba si “Marlboro Man” na hindi nanigarilyo kailanman?

  • Si “Marlboro Man” ay si Robert Norris mula sa Colorado
  • Kahit na naging endorser siya ng y0si, kailanman ay hindi siya gumamit nito
  • Minabuti niyang magbitiw bilang endorser ng Marlboro dahil napagtanto niyang hindi siya magiging mabuting halimbawa sa kaniyang mga anak

Sa mga sikat na kompanya na nagbabayad ng malaking halaga para sa mga tv advertisement o patalastas, kadalasang ang kinukuhang endorsers ay mga taong gumagamit o tumatangkilik din ng naturang produkto o serbisyo na kanilang inihahain sa publiko, upang mas maging kapani–paniwala ito sa mga mamimili. Subalit hindi pala ganito sa lahat ng pagkakataon.

Well, alam ba ninyo na ang tinatawag na orihinal na “Marlboro Man” na si Robert Norris na yumao na noong Linggo, Nobyembre 10, 2019 sa gulang na 90, ay hindi talaga nanigarilyo o tumikim man lamang ng “y0si”?

Sa halos 12 taon, naging laman si Norris ng billboards at magazines bilang si “Marlboro Man”, isang rugged na lalaki na nakasuot ng cowboy hat habang nangangabayo o naglalakad, at nakapasak sa kaniyang bibig ang y0si, o nakaipit sa pagitan ng dalawang daliri. Kapani–paniwalang gumagamit o tumatangkilik siya nito.

Subalit sa totoo lang, hindi raw siya gumagamit ng y0si o anumang kauri nito, kaya naman inihinto niya ang pagiging endorser nito dahil napagtanto umano niya na hindi siya magiging mabuting halimbawa sa kaniyang mga anak.

Public Domain Image

Subalit paanong nangyari na siya ang napili bilang Marlboro Man?

Si Norris, na isinilang sa Chicago, Illinois, ay minsang nangarap na maging cowboy kaya naman sa gulang na 18 anyos ay sinimulan niyang mag–alaga ng mga kabayo. Lumipat siya sa Colorado at nagtayo ng sariling rancho noong 1950. At tuluyan na nga siyang naging cowboy.

Sa mga sandaling iyon, naghahanap ang advertising executives ng Marlboro kung sino ang maaaring maging endorser nila. Naisip ni Chicago advertiser Leo Burnett ang ideya ng Marlboro Man, isang rugged cowboy na gumagamit ng kanilang produkto. Nagpatawag sila ng mga propesyunal na modelo, subalit wala silang napisil. Ninais nilang gumamit ng tunay na cowboy. Sa paghahanap nila, nasumpungan nila si Norris, at siya na nga ang naging mukha ng Marlboro, ngunit sa loob lamang ng 12 taon.

Public Domain Image

Loading…