Special job program para sa mga senior citizens, inilunsad

  • Programa na magbibigay ng trabaho sa mga senior citizens inilunsad
  • Ang programa ay inilunsad ni Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong at DOLE Sec. Silvestre Bello III
  • Anim na oras lang ang trabaho ng mga matatanda at may suweldong katumbas ng minimum daily wage

Pinasimunuan ni Ang Probinsyano Representative Ronnie Ong, sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang isang programa na magbibigay ng trabaho sa mga kwalipikado at malalakas pang senior citizens.

Imahe mula sa Facebook account ni Rep. Ronnie Ong

Sinabi ni Rep. Ong na sa kabila ng mga diskwento at iba pang benepisyong natatanggap ng mga senior citizens ay nananatiling lugmok pa rin sa kahirapan ang marami sa kanilang hanay dahil sa kawalan o kakulangan ng mga oportunidad  para sa kanila.

Aniya, hindi naman mapakikinabangan ang mga diskwento kung walang perang pambili ang mga matatanda.

“They have discounts on food, medicine, transportation and even entertainment but what’s the use of all these perks if our senior citizens do not have the money to spend? I really think that the government should open more economic opportunities for our senior citizens and let them enjoy life even in their twilight years,”pahayag ni Congressman Ong.

Sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay para sa Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng DOLE ay inaasahan ni Rep. Ong na mabibigyan ng trabaho ang mga senior citizens sa mga ahensya ng pamahalaan kabilang na ang mga public schools at state universities.

Imahe mula sa The Urban Roamer

Sa Lunes, ika-11 ng Nobyembre ay unang ilulunsad ang programa sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) matapos lagdaan ni Rep.Ong at DOLE Secretary Silvestre Bello III ang isang memorandum of agreement.

Sa ilalim ng programa ay gagampanan ng mga matatanda ang importante pero magaan na trabaho. Tatlong oras sa umaga at tatlong oras sa hapon ang trabaho nila at may sahod na katumbas ng minimum daily wage na umiiral sa Metro Manila.

Bibigyan ng prayoridad ang mga senior citizens na naninirahan malapit sa mga campus ng PUP. Inaasahang sa mga susunod na araw ay sa University of the Philippines naman gagawin ang programa.

“This program gives them another chance at employment, another chance to make new friends and another chance at new exciting lives,” ani Ong.

Imahe mula sa Eternal Gardens

Upang maging permanente ang programa, inihain ni Rep. Ong ang House Bill No. 5362 o Senior Citizens Employment Opportunity Act na naglalayong magkaroon ng automatic employment allocation ang mga senior citizens na 60 anyos pataas.

Sa ilalim ng panukala, ang mga government offices ay inaatasan na mag-imbita, pumili at mag-hire ng mga kwalipikadong senior citizens sa mga posisyong tutukuyin ng DOLE, National Commission on Senior Citizens at Civil Service Commission.

Loading…