Comedy noontime show “Sunday PinaSaya” magwawakas na; may ipapalit na

  • Magtatapos na ang comedy noontime show na “Sunday PinaSaya”
  • Eere na lamang ito sa telebisyon hanggang Disyembre 22, 2019
  • Iniluluto na ng GMA Network ang ipapalit dito

Matapos ang apat na taong paghahatid ng kuwelang saya tuwing Linggo ng tanghali, magpapaalam na sa ere ang comedy noontime show na “Sunday PinaSaya” sa pangunguna nina Ai Ai Delas Alas, Marian Rivera, Alden Richards, at marami pang iba.

Ayon sa pamunuan ng APT Entertainment, mapapanood na lamang hanggang Disyembre 22, 2019 ang finale episode ng kalaban ng musical variety show na “ASAP Natin ‘To”. Nagsimulang umere ang SPS noong Agosto 15, 2015, sa kasagsagan din ng kasikatan ng phenomenal loveteam na “AlDub”. Ipinalit ito sa musical variety show na “Sunday All Stars”.

Public Domain Image

Nakararamdam ng kalungkutan ang main cast at production staff ng Sunday PinaSaya dahil sa nalalapit na pagwawakas ng kanilang weekly show, lalo na raw at malapit na ang Pasko. Pinabulaanan ng pamunuan na ang dahilan ng nalalapit na pagtatapos ng show ay dahil sa mababang ratings na nakukuha nito. Anila, natapos na raw ang kontrata ng APT Entertainment sa GMA Kapuso Network kaya tiyak na isang station-produced program ang ipapalit sa SPS na mapapanood sa unang Linggo ng January 2020.

Hindi rin totoo na ang ipapalit sa SPS ay ang “Studio 7”, ang Saturday night musical variety show ng GMA-7, subalit mukhang magpapahinga na rin ito sa ere. Nag-advance taping na ang cast nito ng mga episode, dahil makakasama sa bagong inilulutong Sunday noontime show ang mga mainstay nito.

Iba–iba naman ang naging opinyon dito ng netizens.

“Sayang… bakit hindi na lang ibahin ang time slot, itapat sa Banana Sundae, tutal parang ganoon din naman ang tema nila. Fan ako ng Sunday PinaSaya. Ito ang nagbibigay–kulay sa tanghalian namin. Masarap kayang tumawa habang kumakain, nakakawala ng problema!”

Public Domain Image

“Hindi na naman nila natibag ang kalabang show. Lahat kasi ng magagaling na singers at makikinang na artista ay nasa kalaban na nila. Kailangan nilang tapatan ng mas matindi ang karibal na show.”

“Sana naman, itong ipapalit ay last na. Nakakamiss ding makapanood ng musical variety show sa Kapuso tuwing Linggo ng tanghali.”

Nakatakdang ilunsad ang mga bagong shows ng GMA Network sa huling linggo ng Disyembre 2019.

Loading…