Surpresa ng mga kaibigan sa birthday celebrant, pinaluha ang netizens

Imahe mula sa Facebook | Tracy Mortel
  • Isang lalaki ang nag-upload kamakailan ng video ng surpresa ng mga kaibigan noong kaarawan niya
  • Sa simula ng video, makikitang pinagagalitan ang birthday boy ng kaniyang ina dahil dadalawa lamang sa mga inimbitang kaibigan ang nakarating
  • Hindi alam ng celebrant na nasa loob na ng bahay ang mga kaibigan at nakahandang surpresahin siya

Isa sa mga pinakamasayang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ang pagkakaroon ng oportunidad upang magsama-sama ang mga mahahalagang tao sa buhay ng celebrant kagaya ng mga kaanak at kaibigan.

Imahe mula sa Facebook | Tracy MortelAng video na ibinahagi ni Tracy Mortel ay usap-usapan ngayon sa social media dahil sa nakaka-touch na surpresa sa kaniya ng mga kabarkada. Kuwento niya sa caption, “’Yong ineexpect mo na pupunta sila kasi birthday mo. Tapos karamihan eh nagsabi na hindi pwede.”

Makikitang naglalakad pauwi si Tracy kasama ang dalawang kaibigan. Pagpasok sa bakuran ng bahay, sinalubong siya ng inang kasabwat sa surpresa. Kita rin sa video ang mga inihandang pagkain ng ina para sa mga inaasahang bisita.

Dito na sinimulan ng ina ang acting. Nagkunwari pala itong nagalit dahil pinaghirapan daw niya ang pagluluto dahil sabi ng anak ay may darating siyang mga bisita. “Sila lang dalawa? Ang dami nating hinanda. Sino kakain niyan? Sabi mo pupunta sila eh,” sabi ng kunwari ay nagagalit na ina.

Walang kamalay-malay si Tracy na nasa loob na pala ng bahay ang kaniyang mga kaibigan na natatawa na lamang sa “sermon” ng ina.  Pagpasok ni Tracy, bumungad ang kantahan ng mga kaibigan kaya’t hindi na napigilan ni Tracy ang pagbuhos ng luha. Agad naman siyang niyakap ng mga kaibigan.

Marami ang naantig sa simpleng surpresa ng mga kaibigan ni Tracy. “Ang sweet, nakakaiyak. Damang dama mo si Kuyang may birthday nung nagulat. Solid ng barkadahan,” sabi ni Jan Mendiola.

Imahe mula sa Facebook | Tracy Mortel

Payo naman ni Mykto Depedro, bihira nang makahanap ng ganoong klaseng mga kaibigan ngayon kaya naman sabi niya, “kung magkakaroon kayo ng hindi pagkakaunawaan, pag-usapan niyo lang. ‘Wag pataasan ng pride at umiwas kayo sa bisyo.”

Hindi rin pinalampas ng netizens ang husay ng nanay ni Tracy sa pag-arte. “Sarap nang may ganyang tropa. Si mother todo effort. Best actress,” sabi ni Judy Danas.

Ikaw, naranasan mo na bang ma-surpresa sa iyong kaarawan?

Source :

Facebook

Loading…