Takot ma-Tulfo: Guro lumabas matapos mahuling naglalaro ng ML ang estudyante

Imahe mula sa Facebook | Ezekiel Caldona
  • Usap-usapan ngayon sa social media ang post ng isang teacher na nakakitang naglalaro ng Mobile Legends ang kanyang estudyante
  • Biro niya, siya na lang ang lumabas ng classroom dahil baka ipa-Tulfo pa siya ng bata
  • Ito ay matapos ang kontrobersyal na episode ng “Ipa-Raffy mo!” kung saan inireklamo ang isang guro na nagpalabas sa estudyanteng nakaiwan ng report card

Trending ngayon sa social media ang isang guro na “nag-adjust” sa estudyanteng nahuli niyang naglalaro ng Mobile Legends (ML).

Sa post ng netizen na si Ezekiel Caldona na sa kasalukuyan ay may 59k reactions at 49k shares na, makikitang nakasilip siya sa bintana habang naglalaro naman ang isang estudyante.

Imahe mula sa Facebook | Ezekiel Caldona

“May nahuli akong nag e-ML, ako na lang lumabas, baka ma-Tulfo pa ko eh,” biro ni Caldona.

Komento ng Facebook user na si Cosme Rodelyn, “Mas mabuti yan. Nabawasan stress mo, nakapagpahinga at kain ka pa.”

“Ipa-Tulfo mo rin, sir, ‘yang naglalaro ng ML. Unahan mo na,” sabi naman ni Jade Valdez.

Ito ay matapos pag-usapan ng mga netizens ang episode ng “Ipa-Raffy Mo!” kung saan pinag-resign ng broadcaster na si Raffy Tulfo ang teacher na si Melita Limjuco dahil sa reklamo nina Salve Banez, lola, at Rosemil Edroso, ina ng batang diumano’y pinahiya ni Limjuco.

Sa kasalukuyan, ang YouTube video na may title na “Mommy, ipina-Tulfo ang pasaway na teacher ng kanyang anak!” ay may 3.5 million views at 124k comments na.

Paliwanag ni Banez, na-trauma ang kanyang apo matapos itong palabasin ni Limjuco dahil nakalimutan nitong dalhin ang kanyang report card.

Bumuhos naman ang suporta ng mga netizens para sa guro na pinagre-resign ni Tulfo para raw hindi na umabot sa pagsasampa ng kasong child abuse.

Imahe mula sa YouTube | Raffy Tulfo in Action

Samantala, kahapon naman ay sinabi ni Tulfo na pagbabatiin na lamang niya ang guro at ang mga magulang ng bata.

“Maraming mga nagagalit dahil sa desisyon natin na hindi raw maganda ang pag-handle,” pahayag ni Tulfo. “Yes, I am going to listen to our netizens dahil nga naman kung wala ang mga netizen, wala rin tayong show.”

Loading…