Talento hindi timbang: Rita Daniela, adbokasiya ang ‘body positivity’

  • Body positivity ang nais ibahagi ni ‘Jowa’ o Rita Daniela na leading lady sa teleseryeng One of the Baes
  • Para sa kaniya, hindi dapat maging hadlang ang sukat o timbang upang maipakita ang talent
  • Ang pagmamahal sa sarili ang susi tungo sa body positivity

“I support body positivity,” ito ay isa sa mga mababasa sa Instagram profile ng GMA artist na si Rita Daniela na nakilala rin sa karakter na ‘Aubrey’ sa teleseryeng My Special Tatay kasama si Ken Chan.

Imahe mula sa Facebook page ni Rita Daniela

At para kay Rita, naniniwala siyang hindi handlang ang laki o liit ng katawan para magtagumpay.

Sa isang report ng Pep, nagpahayag ng pansariling pananaw si Rita ukol sa adbokasiya niyang ‘body positivity.’ Aniya, hindi lamang para sa may malalaking pangangatawan ang body positivity. Kasama na rin umano rito ang mga taong may maliit na pangangatawan.

“Iba rin siyempre ang gusto nila na sana, nagkakalaman sila pero kahit anong kain ang gawin nila, hindi sila lumalaki,” pahayag ni Rita na tinutukoy ang mga taong may payat na pangangatawan.

Maraming artista ang conscious sa kanilang timbang. May ilan din na ayaw magmukhang mataba onscreen. Wala namang masama sa ganitong pananaw lalo pa kung may sinusunod na diet plan at aktibo sa pag-eeherisyo.

Sa kabilang banda, nais ni Rita na mabago sana ang mindset ng mga tao kaugnay sa maling pananaw ukol sa mga artistang may talent naman ngunit hindi nabibigyan ng pansin dahil sa timbang. Dahil dito, pino-promote ni Rita ang pagmamahal sa sarili na makatutulong upang mabago ang ganitong pananaw.

“…Kaya rin po pini-present ko itong sarili ko, kapag lalo akong mas imperfect, lalo ko iyong ipe-present. Kasi, living testimony ako ni Lord na hindi dapat maging hadlang iyong timbang,” paliwanag pa ni Rita.

Imahe mula sa Facebook page ni Rita Daniela

Binigyang-diin din ng aktres na kung nais nating ipakita kung gaano tayo kahusay ay gawin ito nang buong husay. Hindi kailangan umanong maging hadlang ang timbang ng isang tao para hindi niya maipakita ang kaniyang talent.

Si Rita ay may makurbang pangangatawan kaya mas malaki umano siyang tingnan sa telebisyon. Sinusubukan naman niyang magbawas ng timbang.

Source :

Pep

Loading…