The Magician: 65 anyos na si Efren ‘Bata’ Reyes, tatangkaing makasungkit ng gintong medalya sa SEA Games

  • Walang makaaawat sa 65-anyos na si Efren ‘Bata’ Reyes sa pagbibigay ng karangalan sa bansa
  • Playing head coach siya ng RP Team sa billiards sa SEA Games 2019
  • Inaasahang makakakuha siya ng gintong medalya sa tinaguriang ‘last hurrah’ niya sa pagsabak sa international competitions

Nakatakdang patunayan ng 65 anyos na si Efren ‘Bata’ Reyes na walang pinipiling edad ang pagiging isang kinatawan ng bansa at ang pagiging kampeon. Nakatakda kasing sumabak ang tinaguriang ‘The Magician’ sa 3 cushion carom men’s single sa pool competition ng Southeast Asian (SEA) Games na gaganapin dito sa bansa.

Nagsisilbi si Reyes na playing head coach ng Philippine billiards and snooker team, kasama ang mabuting kaibigan at isa pang alamat pagdating sa billiards na si Django Bustamante na tumatayong deputy niya. Nais sundan ni Reyes at higitan pa ang kanyang bronze medal sa SEA Games na nakuha niya noong 2011 sa Palembang, Indonesia.

Larawan mula sa Philippine News Agency

Dahil na rin sa kanyang edad, maaaring ito na rin umano ang ‘last hurrah’ ng Pinoy billiards champion na nakapag-uwi na ng tinatayang nasa 70 titulo mula sa iba’t ibang international tournaments kabilang na ang US Open, WPA World Nine-ball championship, at 14 na Derby City Classic titles.

Malakas ang lineup na pinamumunuan ni Reyes na kinabibilangan din ng mga world champions na sina Carlo Biado, Dennis Orcollo, at Rubilen Amit na umuukit na rin ng kanilang pangalan sa larangan ng billiards sa buong mundo.

Isa sa mga inaabangan ay ang gold medalist na si Biado sa 9-ball tournament noong nakaraang SEA Games na ginawa sa Kuala Lumpur, Malaysia. Respetado rin ng iba’t ibang team na kasali sa SEA Games sina Orcollo na isang world’s 9-ball king at Amit na WPA world 10-ball queen noong 2009 at 2013.

Larawan mula sa Pexels

Dahil sa bagsik ng mga pambato ng Pilipinas, umaasa ang buong team ni Reyes na mas malalagpasan pa nila ang kanilang naging performance noong 2017 SEA Games dahil nagkaroon din naman daw sila ng sapat na preparasyon at exposure na magagamit nila sa palaro.

Kabilang din sa Philippine billiards team sina Jeffrey Ignacio, Warren Kiamco, Chezka Centeno, Johann Chua, Iris Ranola, at Floriza Andal. Binubuo naman nina Alvin Barbero, Michael Angelo Mengorio, Basil Al-Shajjar, at Jeffrey Roda ang snookers squad ng bansa.

Loading…