The Newlyweds: Broadway diva Aicelle Santos at journalist Mark Zambrano, ikinasal na

  • Ikinasal na ang theater actress na si Aicelle Santos at mamamahayag na si Mark Zambrano
  • Ginanap ang seremonya sa isang pribadong lokasyon sa San Juan, Batangas
  • Masaya naman ang mga kaibigan nina Aicelle at Mark sa kanilang pag-iisang dibdib

Matapos ang kanyang stint bilang Gigi sa musical play na Miss Saigon sa London, isang panibagong biyaya ang dumating sa Kapuso singer na si Aicelle Santos. Ikinasal na siya sa dating Kapuso reporter na si Mark Zambrano.

Marami ang nasurpresa sa pag-iisang dibdib nina Aicelle at Mark dahil bagama’t alam naman na ng madla na engaged na sila, naging sekreto naman sa publiko ang petsa at iba pang detalye ng kanilang kasal.

Larawan mula sa Nice Print Photo

Napabalita na lamang na Mrs. Zambrano na si Aicelle dahil sa social media post ng kanilang mga kaibigan at ng GMA Artist Center na humahawak sa career ni Aicelle. Ginawa ang mala-fairy tale na kasal nina Mark at Aicelle sa El Jardin de Zaida sa San Juan, Batangas.

Isa sa mga unang nagbahagi sa kanyang social media account ng ginaganap na kasalang Mark at Aicelle ay ang Chika Minute anchor at Kapuso showbiz reporter na si Cata Tibayan. Makikita sa larawan na magkatabi ang dalawa sa isang upuan habang ginagawa ang seremonya ng kasal.

Pagbati naman ang ipinaabot ng GMA Artist Center sa maituturing na isa sa kanilang prized singers at aktres na si Aicelle, at dating bahagi ng GMA News and Public Affairs na si Mark. Maraming fans naman nina Aicelle at Mark ang nagpaabot ng kanilang pagbati sa bagong kasal.

Ibinahagi naman ng fashion designer to the stars na si Edwin Tan na siya ang gumawa ng white gown ni Aicelle sa kanyang kasal. Sa post ni Edwin sa kanyang Instagram account, makikita sa larawan na kasama rin sa entourage ang kapuwa Kapuso singer at La Diva member na si Maricris Garcia.

Larawan mula kay Cata Tibayan

Noong March 2018 nang ma-engage ang dalawa. Nag-umpisa ang kanilang pagmamahalan noong 2016. Gayunman, bago maikasal ay kinailangan munang magkalayo ng dalawa ng ilang buwan dahil kailangang gampanan ni Aicelle ang isang mahalagang role sa Miss Saigon sa Europe.

Sa kasalukuyan ay napapanood si Aicelle sa musical variety show ng GMA Network na Studio 7. Bida rin siya sa musical na Himala at gumaganap na Elsa. Si Mark naman ay lumipat sa ESPN/TV5 bilang sports anchor at commentator.

Loading…