Topnotcher ng Social Workers board exam, ikinuwento na nagre-review daw sila sa gitna ng kaguluhan sa Marawi

  • Ibinahagi ng social workers board topnotcher ang kuwento ng kanyang pagre-review sa gitna ng kaguluhan sa Marawi City
  • Ayon sa kanya, nasa dormitoryo daw sila nang mangyari iyon at inabot ng kinabukasan bago sila nakalikas
  • Naging motibasyon naman daw niya ang nangyari sa Marawi upang mas pagbutihin ang pagsusulit

Nagimbal ang buong bansa sa nangyaring kaguluhan sa Marawi City noong 2017. Maraming kababayan natin ang naapektuhan at hindi inaasahang mag-iiba ang takbo ng buhay sa isang iglap. Isa sa mga lubhang nagambala ng bakbakan ay ang mga mag-aaral mula sa Mindanao State University (MSU) – Marawi City.

Gayunman, kahit hindi naging maganda ang kapalaran ng mga taga-Marawi,  hindi ito naging hadlang para sa isang fresh graduate upang manguna sa kinuhang social workers board exam noong 2017. Inilahad niyang sa gitna ng kanilang pagre-review para sa pagsusulit ay nag-umpisa ang kaguluhan sa Marawi City na inakala nilang katapusan na rin ng kanilang mga pangarap.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ng Eat Bulaga

Sa isang segment ng Eat Bulaga na ‘Bawal Judgmental,’ ikinuwento ng 2017 social workers board exam top notcher na si Paramisuli ‘Suli’ Aming mula sa Tawi-tawi ang kanilang naging karanasan sa gitna ng nangyaring bakbakan sa Marawi.

Ayon kay Suli na graduate ng kursong Social Work, nag-uumpisa na raw silang mag-review noon para sa board exam. At isang gabi raw, naramdaman na nila ang mga pagyanig at malalakas na tunog na dulot ng mga armas ng mga nagbabanggaang puwersa sa lungsod. Kinakailangan daw nilang manatili ng magdamag sa dormitoryo at maghintay ng kinabukasan para umalis sa Marawi.

Bagaman nagkaroon ng pangamba sa malalakas na tunog dahil sa nangyaring kaguluhan, naging inspirasyon din daw ni Suli na ang nangyari upang lalong mapagbuti ang kanyang performance sa kanyang board exam.

Dinisiplina niya raw ang kanyang sarili at naglaan ng mahabang oras para mag-aral. Kung minsan daw ay sa lamesa na siya nakatutulog dahil sa pag-aaral. Masaya naman siya na nagbunga ang lahat ng kanyang sakripisyo at nakapagbigay ng karangalan sa Marawi sa gitna ng pinagdaraan.

Imahe mula sa Youtube video ng ANC

Pagkatapos daw malaman ang resulta ng exam, hindi na raw nagkaroon ng pagkakataon na makapagdiwang si Suli at mga kaibigan at dumiretso na raw sila sa pagtatrabaho, at tumulong sa mga kababayang naapektuhan sa Marawi.

Maliban kay Suli, mayroon pang dalawang mula sa MSU – Marawi ang napasama sa top 10 ng social workers board exam noong 2017. Sa kasalukuyan, sa Maynila na nagtatrabaho si Suli ngunit mas malawak na raw ang natutulungan niya sa kanyang trabaho.

Source :

Facebook, YouTube

Loading…