“Ultraelectromagneticpop” vinyl selling event ng Eraserheads, pinilahan ng fans

  • “Ultraelectromagneticpop” vinyl selling event ng Eraserheads dinagsa ng mga e-heads fans
  • Ginanap ang event noong November 24, 2019 sa Eastwood Central Plaza sa Quezon City
  • Ang Ultraelectromagneticpop ang debut album ng Eraserheads na ginawa nila noong taong 1993

Dinagsa ng mga tao ang official vinyl launch ng Ultraelectromagneticpop album ng Eraserheads, ang isa sa pinaka-maimpluwensyang banda ng bansa, noong Linggo, ika-24 ng Nobyembre, sa Eastwood Central Plaza sa Barangay Bagumbayan, Quezon City.

Imahe mula sa Offshore Music

Ayon sa isang security guard ng establisimyento, alas-sais pa lang ng umaga ay may nakita na siyang sampung tao na nakapila sa entrance ng Eastwood Central Plaza gayong alas-onse pa ng umaga ang opening.

“Mga ganun Sir, start ng duty ko alas sais, may pumila na mga sampu. Nagulat nga ako eh,” sabi ng guwardiya.

Ayon pa rin sa sekyu, bago mag-alas-onse ng umaga ay umabot na sa isang libong Eraserheads fans ang nakapila upang makabili ng 25th Anniversary Numbered Limited Edition vinyl ng ultraelectromagneticpop album.

“Estimate lang natin, Sir. Pero dadami pa ‘yan sigurado,” anang security guard.

Sa online pre-selling ng nasabing E-heads album ay P2,999 ang orihinal na presyo nito, subalit ngayon ay P3,360 per copy na ang presyo ng vinyl album. Dahil sa taas ng demand, inanunsyo na isang piraso lang ang maaaring bilhin ng bawat buyer.

Bukod sa launching ng remastered vinyl ng Ultraelectromagnetic pop, may isang stall sa Eastwood Central Plaza na nagbenta ng mga t-shirts na nakaimprenta ang imahe ng Eraserheads na makikita sa cover ng album.

Imahe mula sa Instagram account ni Elybumbilya

Ang Ultraelectromagneticpop ang debut album ng Eraserheads na ginawa nila noong taong 1993. Tampok sa album ang mga awiting “Pare ko,” “Toyang,” “Tindahan ni Aling Nena,” at “Ligaya” na nagdala sa grupo sa rurok ng katanyagan at nagpasimula ng rock explosion noong dekada nobenta.

Loading…