Wikang Filipino, itinuturo na sa isang unibersidad sa Berlin, Germany sa pangunguna ng isang Pinoy na propesor

  • Itinuturo na ang wikang Filipino sa bansang Germany sa Humboldt University
  • Isang Pinoy din ang nagsisilbing propesor ng asignatura sa nasabing unibersidad
  • Kasama sa kalulunsad lang din na Philippine Studies ang pag-aaral ng wikang Filipino sa Germany

Hanggang ngayon ay mainit na usapin pa rin sa bansa ang pag-aalis ng mga asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo sa mga unibersidad sa bansa. Ito ay matapos magbaba ng resolusyon ang Korte Suprema na hindi na isang requirement ang Filipino at Panitikan sa tertiary education.

Gayunman, kahit hindi na magiging bahagi pa ng pag-aaral sa kolehiyo ang ating wika, tila nagkaroon naman ito ng bagong tahanan sa isang unibersidad sa Germany. Masayang inanunsiyo ng Philippine Embassy in Germany sa kanilang Facebook page na may asignaturang Filipino nang inaaral ng mga estudyante sa Berlin.

Larawan mula sa Philippine Embassy sa Germany

Itinuturo na ang kurso sa wikang Filipino sa isa sa pinakamahuhusay na unibersidad sa Berlin, Germany na Humboldt University. Bahagi ito ng kalulunsad lang din na Philippine Studies noong Hulyo. Ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Germany, ang klase sa wikang Filipino ay pinangungunahan ni Propesor Antonio Galang, Jr. na mula sa University of the Philippines (UP).

Pinoy din ang program director ng Philippine Studies sa nasabing unibersidad na si Dr. Rosa Cordillera Castillo. Inaalok ang asignatura sa wikang Filipino sa mga mag-aaral sa Winter term ng Humboldt University.

Sakop ang nasabing programa sa Institute of Asian and African Studies sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Embassy sa Germany. Ayon pa sa Facebook post ng Embahada, naging posible ang pagkakaroon ng Philippine studies sa Germany dahil sa tulong ng dating Senador at ngayon ay Deputy Speaker na si Loren Legarda at ng Department of Foreign Affairs.

Masaya naman ang mga netizens sa balitang pinalalaganap ang wika natin sa bansang Germany. Pahayag ng ilan, panahon na raw upang bigyan ng pansin ang ating wika at pag-aralan naman ng ibang bansa. Madalas daw kasi ay tayo ang interesado sa pag-aaral ng mga banyagang wika.

Larawan mula sa PNA

Pabor din ang mga social media users sa pagkakaroon ng asignatura sa wikang Filipino sa ibang bansa dahil maliban sa magkakaroon ng kaalaman ang mga banyaga sa ating wika, ay malaking oportunidad rin ito para sa mga guro sa Filipino.

Maliban sa Germany, nauna nang pinag-aaralan sa bansang China ang wikang Filipino. Parami na rin daw nang parami ang mga eskwelahan sa Canada na handang magbigay ng klase sa wikang Filipino.

Loading…