Winning design ng Pinoy artist tampok sa sikat na American brand sneakers

  • Sikat na American shoe brand naglabas ng sneakers na isang Pinoy artist ang nagdisenyo
  • Tinawag na “Along With the Gods” ang disenyo ng limited edition ng Vans sneakers
  • Ang 23-year-old Pinoy artist na si Nikko Pelaez ang gumawa ng disenyo

Inilabas na ng isang popular na American shoe brand ang 500 pairs ng mga limited edition sneakers na itinatampok ang winning design ng isang young Pinoy artist.

Imahe mula sa Facebook page ni Nikko Pelaez

Ang nasabing mga sneakers ay ipinagmamalaki ng Vans Philippines bilang ang kauna-unahang sneakers na idinisenyo ng isang Pinoy na manggagaling sa production line ng Vans, isang American brand na kilala sa skateboard shoes at apparel.

Ang mga Vans sneakers na taglay ang mythology-inspired design ng 23-anyos na si Nikko Pelaez, isang University of the East College of Fine Arts graduate, ay maaari nang mabili sa mga piling Vans stores sa buong bansa simula Biyernes, ika-15 ng Nobyembre.

Ang disenyo ni Pelaez na tinawag na “Along With the Gods” ay ang kanyang winning entry sa isang shoe design competition – ang Vans Asia Custom Culture Competition – na ginanap sa China noong 2018. Nasungkit niya ang grand prize matapos talunin ang mahigit 10,000 entries mula sa 10 bansa kabilang ang Australia, China, Thailand, Japan, at Singapore.

Tumataginting na $25,000 ang cash prize na napanalunan ni Nikko.

Imahe mula sa Facebook page ni Nikko Pelaez

Sabi niya, hindi niya inaasahan na ang disenyo niya ay lalabas sa Vans sneakers. Giit niya, hindi naman ‘yung cash prize ang habol niya.

“I just wanted to join (the competition). I wanted to do it for art,” sambit ni Nikko.

Noong nakaraang buwan, matatandaang binigyan ng Vans Philippines si Yorme Isko Moreno ng isang pares ng Vans sneakers na ang disenyo ay may temang “Batang Maynila” bilang regalo sa ika-45 kaarawan ng alkalde.

Ang gumawa ng hand-painted design ng “Batang Maynila” Vans sneakers ay walang iba kundi si Nikko Pelaez. Ang nasabing disenyo ay ginawa para lang kay Yorme at hindi mabibili sa mga Vans stores sa bansa.

Imahe mula sa Facebook page ni Nikko Pelaez
Source :

YouTube, ABS-CBN

Loading…