Yorme uminit ang ulo sa tambak na basura sa Ilaya sa Divisoria, mga vendors ‘di na ulit pagtitindahin

  • Mayor Isko Moreno nadismaya sa mga nagkalat na basura sa Ilaya Street sa Binondo
  • Ipinag-utos ng alkalde na pagbawalang makapagtinda ang mga walang displinang vendors
  • Inatasan ng alkalde ang mga tauhan na linisin ang ga-bundok na basurang iniwan ng mga vendors

Dismayado si Mayor Isko Moreno sa nadatnang ga-bundok na mga basurang nagkalat sa Ilaya Street sa Divisoria matapos niyang magsagawa ng surprise inspection sa lugar.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno

Dahil sa ipinakitang kawalan ng disiplina ng mga sidewalk vendors, na kamakailan lang ay binigyan ng permisong makapagtinda sa lugar, ay agad na inutusan ng alkalde ang mga tauhan na pagbawalan nang magtinda ang mga vendors na nakapuwesto sa bahaging iyon ng Ilaya Street.

“Kayo ba’y hindi nahihiya? Hindi ba kayo nahihiya niyan? O talagang baboy lang kayo sa bahay? Walang kusa, walang kusa kahit anong awa mo sa kanila,” dismayadong sambit ng alkalde.

“‘Di ba pinapayagan natin sila sa gabi? Kung ganyan lang din naman ang iiwan sa atin araw-araw, tigil na lang sila lahat. ‘Yung basura ng pang-araw at basura ng pang-gabi nagsama kaya bulubundukin ang basura,” nagpupuyos pang sabi ni Yorme.

Sa panayam sa kanyan ng media, sinabi ng mayor na pinayagan na makapaghanapbuhay ang mga sidewalk vendors sa Divisoria sa kondisyong susundin nila ang mga patakarang inilatag ng city government.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno

“Mamaya hindi na sila makakapagtinda. ‘Yun ang penalty sa kanila kasi wala na ngang nagkokotong sa kanila e, inalis ko na nga. Ang hinihingi ko na lang ay ‘yung kanilang mga basura ilagay nila sa tamang sisidlan,” ani Mayor Isko.

Nilinaw ng alkalde na ang mga vendors lang sa Ilaya Street sa bahagi ng Binondo at hindi ang mga vendors sa Ilaya Street sa bahagi ng Tondo, ang nagpakita ng kawalan ng displina kaya sila lang ang pagbabawalang makapagtinda.

“Ilaya… Binondo ha. Baka magkagulo kawawa naman ‘tong mga ito (vendors sa Ilaya Street, Tondo). Ito malilinis dito. Doon, ubos na sila. Pahinga na muna sila,” ani Mayor.

I-click ang imahe para mapanood ang video:

Screenshot mula sa Facebook page ni Mayor Isko Moreno

Loading…