93% ng mga Pilipino, haharapin ang 2020 nang may pag-asa – Survey

  • Pagkatapos ng mahabang paghahanda sa Kapaskuhan, agad namang haharapin ng mga Pilipino ang Bagong Taon
  • Ang pagsalubong sa 2020 ay katumbas ng pagsalubong sa bagong pag-asa at bagong buhay
  • Patunay rito ang naging resulta ng pinakabagong survey ng Pulse Asia kung saan tumaas pa ng dalawang porsiyento ang mga taong hindi nawawalan ng pag-asa

Masagana at masayang pamumuhay. Ito ang dalawa sa mga malimit hilingin ng mga Pilipino sa pagharap nila sa panibagong taon. Hangga’t humihinga, hindi nawawalan ng pag-asa ang maraming Pilipino. Nananatili pa rin silang positibo sa kabila ng mga kinahaharap na hamon ng buhay.

Patunay nito ang naging resulta ng pinakabagong survey ng Pulse Asia kung saan lumabas na 93 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabing haharapin nila ang 2020 nang may pag-asa.

Imahe mula sa Pixabay

Pitong porsiyento lamang ang hindi makapagdesisyon kung ano ang kanilang isasagot. Samantalang nasa 0.2 porsiyento lamang ang nagpahayag ng negatibong reaksiyon o ang mga nagsabing hindi nila haharapin ang bagong taon nang may nararamdamang pag-asa.

Kung ikukumpara noong 2018, mas mataas ng dalawang porsiyento ang resulta ng bagong survey.

Lumabas din sa survey na ang mga taga-Visayas ang may pinakamalaki ang itinaas ng bilang ng mga taong may positibong pananaw sa buhay. Tumaas din ang bilang ng mga sumagot nang positibo mula sa Mindanao.

Ang National Capital Region ay may mataas ding bilang ng mga may positibong tugon. Gayunman, ang iba pang rehiyon sa Luzon ay bumababa.

Ang survey ay isinagawa noong Disyembre 3 hanggang 8 na nilahukan ng 1,200 katao. Habang isinasagawa ang survey, ang mga Pilipino ay may kinahaharap na isyu tulad ng pagtaas ng bilihin noong Nobyembre at ang mga naranasang kalamidad.

Imahe mula sa Pixabay

Samantala, lumabas din sa survey na halos kalahati ng bilang ng mga Pilipino ang nagsasabing mas masagana ang kanilang Pasko ngayon.

Ang positibong pananaw sa buhay ay may mabubuting epekto sa pamumuhay ng isang tao. Kaya sana ay manatiling bahagi ng ating pang-araw-araw ang salitang “pag-asa.”

Source :

CNN

Loading…