Alamin: Ano nga ba ang dahilan kung bakit sikat ang bibingka at puto bumbong tuwing simbang gabi?

  • Paborito ng mga Pilipino tuwing Pasko ang mga kakaning puto bumbong at bibingka
  • Ayon sa mga historyador, nagsimula raw ito sa mga magsasaka at manggagawa noong panahon ng Kastila
  • Dahil mabigat sa tiyan at madaling bitbitin, nakasanayan nilang kumain ng mga ito bago ang trabaho sa bukid

Bahagi na ng pagdiriwang ng Pasko ng mga Pilipino ang simbang gabi. Ito ay ang mga misang ginagawa sa loob ng siyam na gabi o madaling araw bago ang araw ng Kapaskuhan. Kadikit na nito ang paniniwala na kapag nakumpleto ang siyam na gabi ng samba ay matutupad ang mga kahilingan. Kasabay na rin nito ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa pagsilang ni Hesukristo.

At isa sa mga nagbibigay kulay sa tradisyon ng simbang gabi ay ang mga kakaning bibingka at puto bumbong. Dagsa ang mga nagtitinda ng masarap na kakanin na ito sa bawat simbahan sa tuwing sasapit ang simbang gabi. Mabibili naman ang mga ito sa buong taon ngunit tila mas nagiging espesyal ang bawat pagsimba kung makatitikim ng mga kakaning ito.

Larawan mula sa Flickr

Marahil ay nagtataka kayo kung paano nga ba naging bahagi ng simbang gabi ang bibingka at puto bumbong at hindi ang ibang pagkain. Ayon sa mga historyador, panahon pa lamang ng mga mananakop na Kastila ay bahagi na ng simbang gabi ng mga Pilipino ang bibingka at puto bumbong.

Dahil karaniwang ginagawa ang simbang gabi o Misa de Gallo (Rooster’s Mass) tuwing madaling araw, bandang alas-3, ang mga magsasaka at manggagawang Pilipino noon ay dumidiretso na sa trabaho pagkatapos ng misa. Dahil kailangan nilang kumain ng mabigat sa tiyan, naisipan ng mga ito na maghanda o bumili ng mga kakanin tulad ng bibingka.

Dahil madaling kainin at bitbitin, ang bibingka ang isa sa mga naging sikat na kakanin tuwing simbang gabi. Nakabubusog na ito, murang bilhin, at maaari pang dalhin ng mga magsasaka sa bukid kung nagmamadali na sa gawain nila.

Ganito rin ang pinagmulan ng puto bumbong. Katulad ng bibingka, mabigat din sa tiyan ang puto bumbong dahil gawa ito sa malagkit na kanin. Espesyal na malagkit nga lamang ang ginagamit dito, ang pirurutong rice, kaya nagkukulay ube ito kapag niluluto. Sakto naman ang kulay nito sa kulay ng panahon ng adbento ng simbahan na kulay violet.

Larawan mula sa Flickr

Karaniwan ding kapares ng bibingka at puto bumbong ang mainit na salabat. Dahil sa malamig na panahon tuwing Disyembre, lalo na kung gabi at madaling araw, naghahanap ang mga Pilipino ng inuming makapapawi ng lamig.

Sa paglipas ng panahon, kahit ang hindi mga magsasaka at manggagawa sa bukid ay naghahanap na rin ng bibingka at puto bumbong tuwing simbang gabi hanggang sa nagpasalin-salin na sa mga henerasyon at naging bahagi ng kultura at tradisyon ng mga Pilipino tuwing Kapaskuhan.

Source :

Pepper, NoliSoli

Loading…