Ano nga ba ang hitsura ng Simbahan ng Cagsawa sa Albay noon?

  • Nabuksan ang interes ng mga netizen sa dating hitsura ng simbahan ng Cagsawa sa Daragan, Albay
  • Nasira kasi ito dahil sa pagsabog ng Bulkang Mayon
  • Kampanaryo o belfry na lamang ang natira at nanatiling bakas ng alaala nito

Isa sa mga itinuturing na makasaysayan at misteryosong simbahan sa Pilipinas ang Simbahan ng Cagsawa sa Daragan, Albay na nababalutan ng hiwaga dahil sa malaking katanungan kung bakit ang belfry o kampanaryo na lamang ang nakatayo rito hanggang ngayon, na patuloy na dinarayo ng mga turista hanggang kasalukuyan.

Imahe mula sa Facebook page na Philippine History and Trivia

Kaya naman, namangha ang mga netizen sa ipinakitang lumang larawan ng simbahan ng Cagsawa noong hindi pa ito nasasalanta at nasisira na ibinahagi sa Facebook page na “Philippine History and Trivia“. Makikita sa unang larawan ang buong simbahan habang sa ikalawang larawan naman ang kampanaryo nito na tanging natira mula nang masira ng pag–alboroto ng Bulkang Mayon.

Marami naman sa mga netizen ang nagbahagi ng kanilang magaganda at hindi malilimutang karanasan habang sila ay nasa Cagsawa. Ibinahagi nila sa comment section ang ilan sa mga larawan nila habang nakatayo sa harap ng pamosong kampanaryo.

Ayon sa tala ng kasaysayan, ang Kampanaryo ng Cagsawa ay nagsilbing alaala sa itinayong simbahan ng mga Pransiskano, isang orden ng mga prayle, noong ika–16 na siglo. Itinayo ito noong 1587 sa bayan ng Cagsawa subalit sinira at sinunog ng mga piratang Olandes o Dutch noong taong 1636. Muli itong ipinatayo ni Padre Francisco Blanco noong taong 1724, subalit muling nasira noong Pebrero 1, 1814, dahil sa pagsabog ng Bulkang Mayon.

Public Domain Image

Tanging kampanaryo na lamang ang makikita at natira sa naturang simbahan sa Barangay Busay, Cagsawa, sa munisipalidad ng Daraga, Albay.  Ginawa na itong Cagsawa Park, na pinangangalagaan ng lokal na pamahalaan ng Daraga katuwang ang Pambansang Museo ng Pilipinas,  bilang isa sa mga pinakadinarayong destinasyon ng mga turista sa Albay.

Tunay na maipagmamalaki ito hindi lamang sa bansa kundi sa iba pang panig ng daigdig. Maging ang Internationale Tourismus-Börse Berlin, isa sa mga nangungunang travel trade shows na nakabase sa Berlin, Germany, ay kinikilala ang Cagsawa ruins bilang pangunahing destinasyon ng mga turista sa buong Asya.

Loading…