Ano nga ba ang pinagkaiba ng imahinasyon ng kabataan noon at ngayon?

  • Isang netizen ang naghambing sa imahinasyon ng kabataan noon at ngayon
  • Noon daw, hindi kailangang gumastos o gumamit ng gadget para maglaro
  • Nagbahagi naman ang iba pang mga netizen ng kanilang mga karanasan

Malawak ang imahinasyon ng tao. Kaya nitong lakbayin ang kalawakan, o kaya’y sisirin ang ilalim ng karagatan. Dahil sa imahinasyong ito, nabuo ang kabihasnan ng tao. Nabuo ang mga kuwento. Nagawang paliitin ang mundo kahit na gaano kalaki ito.

Nagsisimulang lumawak ang imahinasyon ng sinuman sa kaniyang pagkabata. Maaaring umusbong ito sa pamamagitan ng pakikipaglaro sa lansangan. Kaya naman, sinariwa ng isang Facebook user na nagngangalang Romeo del Carmen ang pinagkaiba ng imahinasyon ng kabataan noon at ngayon sa Facebook page na “Memories of Old Manila”.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Ayon sa Facebook post, noon daw ay hindi kailangang gumastos ng kabataan para lamang makapaglaro. Hindi raw kailangan ng gadget. Isa lamang daw ang magic word: “Kunwari”. Pagkatapos nito, anumang bagay na matatagpuan sa paligid ay maaaring maging pera, pagkain, damit, bag, at marami pang iba dahil sa malawak na imahinasyon.

“Noon, kung gusto ninyo maglaro, hindi kailangang gumastos, hindi kailangan mag–gadget. Isa lang ang magic word, ‘kunwari’… at biglang magbabago ang inyong kapaligiran sa pamamagitan ng ‘imahinasyon’. Kuwentuhan ninyo naman kami ng inyong imahinasyon noong inyong kabataan,” aniya. Hinamon niya ang iba na magbahagi ng kanilang karanasan.

Nagbahagi naman ng kanilang kuwento ang mga netizens. Sabi ng isa, “Mas balanse ang buhay ng kabataan noon, kaunting laruan happy na. Hindi kagaya ngayon.”

Turan naman ng isa: ” Yung balat ng candy o kaya mga dahon nagiging pera, depende sa ‘yo kung gaano kalaki ang halaga, yung ibang mga sobrang dahon nagiging isda, kunwari tinda–tindahan.”

Public Domain Image

Kuwento pa ng isa: “Kapag nagluluto–lutuan kami, ginagamit namin ang lupa, bato, buhangin, dahon, bulaklak at marami pang iba. Tapos lahat ng mga lata, kinukuha namin para kunwari ay lutuan. Tuwing hapon namin ginagawa. Kinabukasan, lagi kaming pinagagalitan ng nanay kasi naiiwan naming makalat sa harap ng bahay. Those were the days. Paano mo nga naman paglalaruin sa labas ang mga anak mo, eh sobrang init na ngayon?”

Ikaw, anong bagay ang nabuo mo dahil sa malawak na imahinasyon mo?

Source :

Facebook

Loading…