Aso na itinutulak ang wheelchair ng kanyang amo, umantig sa mga netizens

  • Trending sa social media ngayon ang isang aso at ang kanyang amo na naka-wheelchair
  • Itinutulak kasi ng aso ang wheelchair ng kanyang amo na akala mo ay isang tao
  • Napag-alamang ‘Digong’ pala ang pangalan ng aso na isinunod sa ngalan ni Pangulong Duterte

Sinasabing ang mga aso ay man’s best friend. Kapag napaamo na ang isang aso, siguradong ibibigay nito ang kanyang katapatan sa kanyang amo at kung sinuman ang mapalapit sa kanya. Kaya naman tayo, bilang tao, ay lubos ring napapalapit sa ating mga alaga na kung minsan ay mas masaya pang kasama kaysa sa kapuwa tao natin.

Ito ang pinatutunayan ng isang viral na aso sa social media ngayon. Kahit kasi mayroong kapansanan ang kanyang amo, ay hindi niya ito iniiwan at nagsisilbi pang tagapag-alaga nito. Ibinahagi ng netizen na si Krizzia Aurelio ang mga larawan ng isang aso na itinutulak ang wheelchair ng kanyang amo.

Larawan mula sa Facebook post ni Krizzia Aurelio

Ayon sa post na ibinahagi rin ng Tagumpay Radio Facebook page, kuha raw ang larawan sa Tagum City, Davao. Makikita sa larawan na kahit mainit at tirik ang araw ay matiyagang itinutulak ng aso gamit ang kanyang ulo ang wheelchair ng amo na hirap nang lumakad.

“Saw them at the street. It really melt my heart. Kudos to this dog,” sabi ni Aurelio sa kanyang post na umani na ng maraming likes at shares.

Marami ang naantig sa larawan ng matapat na aso. Ayon sa mga netizens, napakasarap daw malaman na kung minsan ay nakakakuha tayo ng tunay na pagmamahal sa mga hayop pa katulad ng mga alaga nating aso.

Ang iba namang nagkomento sa ni-repost na larawan ng Tagumpay Radio ay ibinahagi rin ang kanilang mga cute na alaga at kung paano rin umakto na parang mga tao ang mga ito. Sabi pa ng ilan, patunay lamang ito na hindi dapat pagmalupitan ang mga alagang hayop.

Larawan mula sa Facebook post ni Krizzia Aurelio

Isang netizen naman ang nagkomento tungkol sa larawan. Ayon sa kanya, nakapanayam na niya ang may-ari ng aso noong nakaraang taon matapos ding mag-viral ang kanilang video na itinutulak din ng aso ang wheelchair ng kanyang amo.

Kinilala ang lalaki bilang si Danilo Alarcon na hindi na nakalakad nang maayos dahil sa kinasangkutang aksidente sa motorsiklo. Digong daw ang pangalan ng kanyang alaga na isinunod niya sa pangalan ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Loading…