Babaeng estudyante sinagot ang “lumpia” sa handaan; nagdulot ng katatawanan

  • Nagdulot ng katuwaan ang “lumpiang shanghai” na dinala ng isang babae sa kanilang Christmas party
  • Imbes na pritong lumpiang shanghai, sitsiryang tigpipiso ang kaniyang dinala
  • Marami sa mga netizens ang sinakyan ito at nagsabing magdadala naman sila ng lechon manok, tilapya, bangus, at inasal

Sa mga Christmas party, tipikal na gawain na ang pagbabaon ng “pot lock” o pagtotoka–toka ng pagdadala ng pagkain ng mga dadalo; mas marami, mas masaya. Isa sa mga paboritong dalhing pagkain ay ang masarap na lumpiang shanghai.

Kaya naman, nagbunsod ng katatawanan ang dinalang “lumpia” ng netizen na si Renalyn Taratara, dahil imbes na tipikal na lumpiang shanghai na isinasawsaw sa ketchup ang dala niya, sitsiryang “lumpia” na kulay orange ang kaniyang inihain sa kaniyang mga kaklase.

Imahe mula sa Facebook account ni Renalyn Taratara

Ayon sa Facebook post ni Renalyn, dalawa sila ng kanyang kaklaseng si Anne Maureen Vergara na nakaisip na magdala ng lumpiang tigpipiso para maiba naman daw ang handa sa kanilang party.

Marami tuloy sa mga netizen ang hindi napigilang magkomento sa katatawanang dulot ng “lumpia” ni Renalyn. May isang netizen na nagsabing siya na raw ang bahala sa mga lechon manok, bangus, inasal, at tilapya, sabay upload ng mga sitsiryang lechon manok na tigpipiso na nabibili sa mga suking tindahan.

Sabi pa ng isa, ” Hahaha, akala ko naman totoong lumpia, tapos sitsirya lang pala. Nakakairita naman ito. Pero nakakaaliw naman kasi. Maiba lang hehehe.”

“Ang cool naman. Ngayon lang ako naka–encounter na naglakas ng loob na magdala ng katatawanan sa isang party. Pero infairness, good vibes lang naman. Patok naman eh,” turan naman ng isa.

Komento naman ng isa, “Nagkaroon tuloy ako ng ideya ng kalokohan. Hahaha. Magawa nga ito sa susunod! Patok ito for sure.”

Imahe mula sa Facebook account ni Renalyn Taratara

Samantala, wala namang masama sa ginawa ni Renalyn, lalo na kung wala talaga siyang budget, o kaya naman ay nagtitipid. Kung kasiyahan naman ang kaniyang rason, naging matagumpay naman siya rito. Anuman ang pagkaing pagsasalu–saluhan ng pamilya ngayong Pasko, mahalaga ay masaya at sama–samang kumakain.

Loading…