Bagong P20 coin opisyal nang inilabas ng BSP

  • Opisyal nang inilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang bagong P20 coin 
  • Maglalabas ang BSP ng inisyal na 500,000 piraso ng P20 coin bago sumapit ang Pasko
  • Naglabas na rin ang BSP ng bagong disenyo ng P5 coin

Opisyal nang inilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Martes, ika-17 ng Disyembre 2019 ang bagong P20 coin na siyang papalit sa perang papel na kasalukuyang nasa sirkulasyon at may parehong denominasyon.

Screenshot mula sa BSP video

Inihayag ni BSP Assistant Governor Dahlia Luna na ilalabas sa publiko ang inisyal na 500,00 piraso ng P20 coins bago sumapit ang Pasko. Sinabi naman ni BSP Governor Jose Diokno na mas malaki ang ginagastos sa paggawa ng P20 coin kaysa sa P20 banknote, subalit mas makatitipid umano ang pamahalaan dahil mas tumatagal ang barya kaysa sa perang papel.

Dalawang piso lang ang gastos sa paggawa ng P20 bill at P20 naman sa bawat P20 coin. “It costs us P2 to produce a P20 bill and that usually lasts six months. The coins will cost us P20, but it will last for 10 to 15 years,” paliwanag ni BSP Gov. Diokno.

Tampok sa harapang bahagi ng P20 coin ang imahe ni Pres. Manuel L. Quezon, ang unang pangulo ng Philippine Commonwealth. Sa likurang bahagi ay makikita naman ang BSP logo, ang halamang Nilad na sinasabing pinagmulan ng pangalan ng Maynila, at ang Malacañang Palace, ang official residence ng Pangulo ng Pilipinas. Si Pres. Quezon ang kauna-unahang presidente ng bansa na tumira sa palasyo noong termino niya.

Screenshot mula sa BSP video

Sa gilid ng P20 coin ay naka-ukit ang mga letrang “BSP” sa anim na anggulo ng barya.

Inilabas na rin ng BSP ang bagong disenyo ng P5 coin na ngayon ay mayroon nang “nine sides” upang maging kaiba ito sa ibang denominasyon ng New Generation Currency coin series. Ilalabas ito sa sirkulasyon simula sa 1st quarter ng 2020.

Screenshot mula sa BSP video

Loading…