Bagong PNR trains na gawang Indonesia bumiyahe na, libre ang pamasahe sa unang linggo

  • Dalawang bagong PNR train bumiyahe na
  • Libre ang pamasahe sa unang linggo ng operasyon ng bagong train sets mula sa Indonesia
  • Nakatakdang dumating sa bansa ang apat pang train sets sa Enero 2020

Tagumpay ang inaugural run ng dalawang bagong train ng Philippine National Railways (PNR) nitong Lunes, ika-16 ng Disyembre. Ang mga train na may tatlong bagon bawat isa ay binili ng pamahalaan sa bansang Indonesia.

Imahe mula sa DOTr

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ang biyahe ng bagong tren mula sa Dela Rosa, Makati City station hanggang sa Tutuban, Manila station ay inabot lang ng 35 minutes.

“Today we are gathered here, not only to take a ride on that train, but also to celebrate the transformation that is coming up and coming in, in so far as PNR is concerned,” pahayag ni DOTr Secretary Art Tugade na nanguna sa inagurasyon ng dalawang Indonesian-made Diesel Multiple Unit railcars.

Kayang magsakay ng hanggang 750 passengers ang bawat tren na tatakbo sa rutang Tutuban hanggang FTI (Taguig City) at Malabon hanggang FTI. Inaasahang madadagdagan ng 18 hanggang 20 biyahe sa bawat ruta sa pagdating ng dalawang tren.

Target ng PNR na mapagsilbihan ang karagdagang 13,000 passengers araw-araw. Mula sa dating 60,000 passengers ay magiging 73,500 passengers na ang maaaring makasakay sa bagong tren kada araw.

Imahe mula sa DOTr

Ayon pa sa PNR, may apat pang tren ang nakatakdang dumating sa bansa sa Enero 2020.

Ipinahayag naman ni PNR General Manager Junn Magno na ang pamasahe sa bagong tren ay libre sa unang linggo ng operasyon ng mga ito, bagay na ikinatuwa ng mga pasahero.

Nakiusap si DOTr Sec, Tugade sa publiko na makipagtulungan sa proyekto ng PNR upang mas lalong mapabuti ang serbisyo nito.

Imahe mula sa DOTr
Source :

ABS-CBN, Twitter

Loading…