Bakit parami nang parami ang mga kababaihang nais manatiling single sa South Korea?

  • Maraming kababaihan ang mas pinipiling maging single kaysa mag-asawa at magkaroon ng anak
  • Kabilang na rito ang mga Koreana na naninindigan na baliin ang mga nakasanayang tradisyon ukol sa pag-aasawa
  • Isa sa mga pangunahing dahilan kaya lamang pinakakasalan ang isang babae sa South Korea ay para may mag-alaga sa tumatandang biyenan

Sa South Korea, dumarami ang mga kababaihang ayaw nang tanggapin ang patriyarkal na sistema ng lipunan kung saan mas nananaig ang kapangyarihan ng mga kalalakihan kaysa mga kababaihan.

Sa South Korea kasi, ang mga maybahay ay kadalasang siyang inaasahan sa mga gawain sa bahay, mag-alaga ng anak, at mag-alaga ng matatandang biyenan.

Ayon sa isang ulat, isa si Bonnie Lee sa mga Koreanang hindi nangangarap na magkaroon ng boyfriend o magkaroon ng mala-fairytale na kasal. Para sa kaniya, kaya niyang magdesisyon upang maging masaya kahit siya ay single.

Paliwanag pa ng 40-taong-gulang na si Lee, pakiramdam niya ay mas marami ang disadvantages kaysa advantages kapag ikinasal na ang isang babae.

Kapag daw ikinasal na ang isang dalaga, nawawalang-bisa ang anumang natamo niya sa buhay tulad ng mataas nitong pinag-aralan. Katunayan, ang edukasyon ay nagsisilbi pa umanong kabawasan para makapag-asawa ang isang babae.

Mas pinipili pa raw ng kalalakihan na pakasalan ang mga may potensiyal sa mga gawain sa bahay at may kakayahang mag-alaga ng mga biyenan.

Samantala, para naman sa 24-taong-gulang na YouTuber na si Yoon Ji-hye, mas inaasahan umano ng lipunan ang mga babaeng masunurin, parang bata, at masayahin. Idagdag pa rito ang pagkakaroon ng pisikal na kagandahan upang gustuhin ng mga kalalakihan.

Imahe mula sa Pixabay

Dati raw ay naglalaan ng maraming oras si Ji-hye sa panonood ng mga make-up tutorials sa YouTube at gumagastos pa ito ng malaki para magpaganda. Ngunit ngayon, mas nauunawaan na niya na hindi kailangan na laging tanggapin ang idinidikta ng lipunan upang maramdaman ang pagiging ganap na babae.

Samantala, inaasahan na ng gobyerno ng South Korea na bababa ang population rate sa kanilang bansa. Mula sa 55 milyong katao, ito ay magiging 39 milyong katao na lamang sa darating na 2067 kung saan ang kalahati nito ay may edad na 62  o mas matanda pa.

Loading…