Balikan: Mga paboritong laruan at anime ng mga batang noon na Beyblade, Crush Gear, at Super Yo-yo

  • Minahal ng mga kabataan noon ang mga anime na nagpauso rin ng kanilang naging paboritong laruan
  • Kabilang sa mga ito ay ang Beyblade, Crush Gear, at Super Yo-yo na paboritong libangan ng mga bata noon
  • Dumarayo pa ng ‘labanan’ ang mga kabataan noon upang maipakita ang galing ng kanilang mga pinakamamahal na laruan

Ilan sa mga paboritong libangan ng mga bata noon ang panonood ng anime at paglalaro ng iba’t ibang nauusong laruan. Dahil wala pang makabagong gadget noon, talaga namang ginugugol ng mga bata ang kanilang libreng oras sa paglalaro kasama ang mga kaibigan at isa ring magandang bonding ang sabay-sabay na panonood ng anime na uso pa noon sa malalaking TV networks ng Pilipinas.

May punto pa nga na ang mga paboritong anime noon ng mga kabataan ay ang uso ring laruan. Ang mga palabas kasi na gawa sa Japan ay kinatatampukan ng mga laruang pinaglalaban ng mga tauhan ng anime. Upang maranansan din ng mga kabataan ang pakikipagsapalaran ng mga tauhan sa anime, ibinebenta rin ang mga laruan sa bansa na naging paborito rin nilang bonding kasama ang mga kaibigan.

Larawan mula sa YouTube

Isa sa mga unang nauso ay ang Beyblade na ipinalabas noong 2002 sa ABS-CBN. Ito ay parang mas makabagong trumpo na pinaiikot gamit ang ‘winder.’ Iba-iba ang laki at hugis ng blade na kapag tumama sa katunggaling blade ay kikislap dahil sa pulburang nasa gilid nito.

Karaniwang pinaglalaban ang dalawang Beyblade sa isang maliit na battle arena. Nakabibili ng magandang plastic na bersiyon nito ngunit kapag gipit sa badyet, sa mga palanggana at batya na lamang nagtutunggali ang mga batang 90s. Kung kaninong Beyblade ang unang hihinto sa laban, siya ang talo.

Marami ring mga bata ang dumarayo sa iba’t ibang street o kalye ng kanilang lugar upang makipaglaban ng Crush Gear. Ito ay isa pang anime na naipauso ng ABS-CBN. Ito naman ay mga maliliit na laruang tila kotse na nagtutunggali rin sa isang maliit na arena. Nagbabanggaan ang mga Crush Gear at kung sinong unang tumaob na sasakyan ay siyang talo sa labanan.

Maraming nanay naman ang nauubos ang badyet dahil sa Crush Gear. Medyo magastos kasi ito dahil de-baterya ang mga laruan. Kaya naman sa panahong ito nauso rin ang mga rechargeable triple A at double A batteries upang laging handa sa anumang ‘laban’ sa mga kalaro.

Larawan mula sa YouTube

Isang klasikong laruan naman ang muling nauso nang maipalabas sa GMA Network ang Super Yo-yo. Walang pinagkaiba ito sa tradisyonal na yo-yo na ginagamit na rin ng mga kabataan noon. Ngunit mas maganda lamang ang disenyo nito dahil may mukha ng tauhan sa magkabilang pisngi ng yo-yo. Mabibili rin ito sa iba’t ibang kulay.

Natuto rin ang mga bata noon ng iba’t ibang yo-yo tricks na makikita sa palabas tulad ng ‘walking the dog,’ ‘long spinner,’ at ‘around the world.’ Karaniwang mabibili ang mga Super Yo-yo noon sa halagang bente hanggang daang piso, depende sa klase.

Loading…