Bianca Umali, bibida sa HBO Asia original series na ‘Halfworlds’

  • Mapapanood si Bianca Umali sa HBO Asia series na ‘Halfworlds’
  • Gaganap siya bilang Alex, isang tao na may lahing engkanto
  • Ito ang ikatlong season ng HBO Asia series na nag-umpisa noong 2015

Matapos lumipad bilang Lawiswis sa 2017 remake ng telefantasyang Mulawin at gumanap bilang isang katutubong Badjao sa Sahaya, ipakikita naman ng Kapuso actress na si Bianca Umali ang kanyang husay sa pag-arte sa international scene.

Bibida si Bianca sa longest running original series ng HBO Asia na ‘Halfworlds.’ Ito na ang ikatlong season ng serye na nag-umpisa noong 2015. Sa bagong yugto ng kuwento, sa Pilipinas kukuhanan ang mga eksena na tatalakay sa mga kakaibang elemento ng bansa na kung tawagin ay ‘engkanto.’

Larawan mula sa Instagram page ng Kapuso Girl

Makakasama ni Bianca sa serye ang isa pang Pinoy actor na si Sam Concepcion, habang ang serye naman ay ididirehe ni Mikhail Red na nakilala sa kanyang mahuhusay na pelikula tulad ng Birdshot at Eerie. Mapapanood rin sa Halfworlds Season 3 ang original cast ng serye.

Sa kanyang Instagram account, ibinahagi ni Bianca ang isang larawan ng logo ng HBO Asia at sinabi niyang ‘surreal’ daw ang malaking break na ito sa kanyang batang career bilang isang aktres. Kahit hindi na bago sa maaaksiyong roles, sumasabak pa rin si Bianca ngayon sa matinding training dahil isang action, fantasy-thriller ang Halfworlds.

Gaganap si Bianca bilang Alex, isang tao na may lahing engkanto na hahanapin ang lunas para sa mga katulad niyang kumikitil para sa laman ng tao. Ang unang dalawang season ay kinuhanan naman sa mga bansang Indonesia at Thailand.

Nag-umpisa ang kuwento ng series sa isang batang street artist na naipit sa digmaan ng mga magkakatunggaling elemento ng kabutihan at kasamaan. Sa Season two naman ay nag-umpisa ang paghahanap ng mga artifacts upang mabuksan ang mundo ng mga demons.

Larawan mula sa Instagram page ng Kapuso Girl

Tatakbo ang Halfworlds Season 3 sa loob ng walong episodes na kaagad na uumpisahan ang pagkuha sa mga eksena. Katuwang ng HBO Asia sa production ang local digital cable provider na Cignal TV. Ang HBO ay isang kilalang cable network na gumagawa ng mga kilalang serye tulad ng ‘Game of Thrones.’

Huling napanood si Bianca sa weekly fantasy series na ‘Daig Kayo ng Lola Ko.’ Kabilang din siya sa papatapos na comedy variety show ng GMA Network na Sunday PinaSaya.

Loading…