Birit queen din: Miss World 2019 Toni-Ann Singh, pinabilib ang netizens sa kanyang magandang tinig

  • Trending ngayon sa social media ang talent ng Miss World mula sa Jamaica na si Tony-Ann Singh
  • Ibinirit niya kasi ang ‘I Have Nothing’ ni Whitney Houston na nagpahanga sa mga netizens
  • Ayon sa social media users, sa susunod na taon daw ay ipadala naman sa Miss World ang mga biritera sa Pilipinas

Hindi man pinalad ang pambato ng Pilipinas sa Miss World 2019 na si Michelle Marquez Dee na maiuwi ang ikalawang korona para sa bansa, usap-usapan pa rin ngayon sa Pilipinas ang nasabing pageant. Pinabibilib kasi ngayon ng itinanghal na Miss World na si Toni-Ann Singh ng Jamaica ang mga netizens dahil sa kanyang naging talent sa competition.

Bago itinanghal na Miss World, una munang naiuwi ni Singh ang Best in Talent award ng competition. Naganap ang talent competition ilang araw bago ang mismong coronation night. At dahil siya ang itinanghal na Best in Talent ay nagtanghal si Singh sa huling gabi ng patimpalak.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Pinatunayan ni Singh na karapat-dapat siya na itanghal bilang pinakamahusay sa pagpapakita ng talento dahil sa pagbirit niya ng isang Whitney Houston song. Napuno ng hiyawan at palakpakan ang ExCel London kung saan ginawa ang coronation night nang kumanta na si Singh. Nagmistulang concert niya ang pageant nang kumanta siya ng ‘I Have Nothing.’

Dahil inabot na ng madaling araw ang telecast ng Miss World sa Pilipinas, maraming netizens ang nakiabang na lamang sa mga inupload na videos sa social media. Isa nga sa nag-viral ngayon ay video na in-upload ni Franz Joseph Parafina Oafallas sa kanyang Facebook account.

Makikita sa kanyang upload ang bahagi ng pagtatanghal ni Singh ng kanyang talent noong gabi ng pageant. Ayon sa kanya, hindi niya raw alam kung Miss World ba ang pinanonood niya o The Voice dahil sa husay ng pag-awit ng kinoronahang Miss World.

Umabot na nga  sa higit 80,000 views ang video, kasama pa ang halos 4,000 reactions, 371 comments, at 2,300 shares. Maraming netizens din ang humanga sa kakaibang tinig ng Miss World. Ayon sa kanila, hindi lamang maganda si Singh kung hindi talented pa. Nasa kanya na raw ang lahat kaya naman deserving siya sa korona.

Larawan mula sa Instagram account ni Toni-Ann Singh

May mga netizens din na nagbiro na dapat daw sa susunod na taon ay ipadala ang mga biritera sa Pilipinas tulad nina Morissette Amon, Jonalyn Viray, Julie Anne San Jose, at Angeline Qunito para masigurong babalik sa Pilipinas ang Miss World title.

Sa isang panayam naman, sinabi ni Singh na batid niyang marami ang nagsasabi na outdated na ang format ng Miss World. Gayunman, ipinahayag niyang hindi naman daw kagandahan lamang ang sinusukat ng pageant kung hindi ang pagtulong sa mga nangangailangan.

Loading…