Cavite-Manila Ferry Boat service inilunsad na, pamasahe libre mula Disyembre 9 hanggang Enero 31, 2020

  • Cavite-Manila Ferry Boat Service pormal nang inilunsad
  • Pinangunahan ni DOTr Sec. Art Tugade ang paglulunsad
  • Mula Disyembre. 9, 2019 hanggang Enero 31, 2020 ay libre ang pamasahe sa ferry boat service

Pormal nang inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) at ng Maritime Industry Authority (Marina) ang Cavite-Manila Ferry Boat Service ngayong araw ng Linggo, ika-8 ng Disyembre, sa Cavite City Hall. Pinangunahan ni DOTr Sec. Art Tugade ang paglulunsad.

Imahe mula sa DOTr

Layon ng nasabing ferry boat service na maibsan ang mabigat na trapiko sa Metro Manila sa pamamagitan ng pagkakaroon ng alternatibong masasakyan gamit ang water transport.

Sa ilalim ng programang “Okay Ka Ferry Ko,” maaari nang bumiyahe ang mga pasahero sa rutang mula sa Cavite City hanggang sa Cultural Center of the Philippines Port at mula Cavite City hanggang sa Lawton, at pabalik.

Ayon kay Sec. Tugade, sinabi umano ng mga opisyal ng Cavite City na mula roon hanggang sa Maynila ay inaabot ng hanggang apat na oras ang biyahe at apat na oras ulit ang gugugulin pabalik. Sa pamamagitan ng ferry boat service ang mahabang biyahe ay iiksi sa 45 minutes lang (one way).

Ang dalawang ruta ng ferry boat service ay pagsisilbihan ng Shogun Ships Co., Incorporated at Seaborne Shipping Lines Incorporated.

Depende sa ruta ang presyo ng pamasahe na nasa P160 at P200 para sa mga adult passengers, P128 at P160 pesos para sa mga estudyante, P114 at P143 pesos para sa senior citizen o persons with disability at P80 at P125 pesos naman para sa mga batang edad 4 hanggang 11 taong gulang.

Simula sa Lunes, ika-9 ng Disyembre ay maaari nang gamitin ang ferry boat service. Ipinahayag ni Sec. Tugade na bilang pamaskong handog niya at ng dalawang shipping companies ay libre ang pamasahe sa upang buwan ng operasyon nito, mula Disyembre 9, 2019 hanggang Enero  31, 2020.

May plano rin ang DOTr na magkaroon ang ferry boat service ng mga rutang Tanza, Cavite-Mall of Asia, Naic, Cavite-Mall of Asia at Sangley Airport-Mall of Asia.

Imahe mula sa DOTr

Loading…