Chinese fruit company mag-iinvest sa Davao City, libo-libong residente mabibigyan ng trabaho

  • Chinese fruit company mamumuhunan sa Davao City
  • Hindi bababa sa isang bilyong piso ang puhunang ilalagak ng kumpanya
  • Planong magtayo ng isang manufacturing plant ang Hongjiu Fruit na inaasahang magbibigay ng trabaho sa libo-libong Davaoeños

Isang malaking kumpanya ng prutas mula sa China ang maglalagak ng puhunan sa Davao City na nagkakahalaga ng hindi bababa sa isang bilyong piso.

Imahe mula sa website ng Hongjiu Fruits

Sinabi ni Matias Regis, ang technical adviser for Special Concerns ng Davao City Investment and Promotions Center (DCIPC), na matagal nang nakikipag-negotiate ang Hongjiu Fruit sa Jenson Agriline Corporation upang maging local partner nito.

Aniya, ilang buwan na ang itinagal ng negosasyon sa pagitan ng Hongjiu Fruit at Jenson Agriline Corporation, subalit ang partnership agreement ay napirmahan lang matapos ang tatlong araw na pagbisita ni Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa China noong nakaraang buwan – mula November 17 hanggang November 20.

Ayon naman kay Christian Cambaya, ang hepe ng Investor Assistance and Servicing Unit ng DCIPC, sa simula ay mag-uumpisa ang Hongjiu Fruit bilang importer ng mga saging, durian at iba pang lokal na prutas.

At kung sakaling dumating ang panahon na maging sobra-sobra ang supply ng mga prutas ay magtatayo ang kumpanya ng manufacturing plant sa Davao City.

Imahe mula sa DCIPC

“If the supply is more than enough in the future, they will establish a manufacturing plant in Davao City,” ani Cambaya.

Sa oras na mangyari ang pagtatayo ng planta, inaasahang libo-libong residente ng Davao City ang mabibigyan ng trabaho at makikinabang nang husto ang mga local fruit farmers.

Bukod sa Hongjiu Fruit, isa pang Chinese company – ang Panpan Foods – ang nagpahayag ng interes na mag-expand ng kanilang operasyon sa Davao City.

Imahe mula sa Make it Davao

Loading…