Cornpurse: Kakaibang pitakang mais ang disenyo, mabisa raw upang makaiwas sa mga kawatan

  • Mabisa raw na paraan upang makaiwas sa mga kawatan ang ‘cornpurse’
  • Dahil daw mukha itong mais, hindi mapagkakamalang isang pitaka
  • Maraming netizen naman ang nais ring makabili ng katulad na pitaka

Dahil panahon na naman ng bonuses at 13th month pay, naglipana na rin ang mga masasamang loob. Kaliwa’t kanan na naman ang mga naiuulat na pag-atake ng mga kawatan lalo na iyong mga nanghahablot na lamang ng kagamitan, kabilang ang wallet, kapag nasa labas tayo ng ating mga tahanan.

Kaya naman madalas ay tayo na lamang ang nag-aadjust upang hindi mabiktima ng mga ito. At isa raw sa mabisang paraan ay ang linlangin ang mga masasamang loob at hindi mapag-interesan ang iyong pitaka ay ang paggamit ng ‘cornpurse.’

Larawan mula sa Facebook page na Brighter Goals

Trending sa social media ngayon ang ‘cornpurse’ o ang pitaka na dinisenyo alinsunod sa isang mais. Sa unang tingin ay aakalain mong isang tunay na mais ang pitaka dahil kahawig na kahawig ito ng isang white corn. Pero mayroon pala itong zipper sa gitna at maaari mo nang ilagay ang iyong pera.

Mabisa raw ito upang makaiwas sa mata ng mga kawatan dahil hindi aakalaing isa itong pitaka at mistulang may hawak ka lang na mais. Bukod dito, kakaiba rin ang disenyo nito kumpara sa mga coin purse na mabibili sa mga fashion store kaya naman maganda itong gamitin.

Maraming netizen ang naaliw sa konsepto ng ‘cornpurse.’ Ayon sa kanila, mas mabisa raw na pangontra ito sa mga masasamang loob kung kungwari ay kakainin mo rin sa daan ang cornpurse. Ang ilan naman ay sinasabing maganda itong pang-Monito, Monita sa kategoryang something funny.

“Hala gusto ko. Hahahahaha. Naimagine mo ba ilalabas mo to sa bangko pag magde-deposit ka ng pera tas shookt sila may dala kang mais?” biro ng isang netizen sa kanyang kaibigan.

Larawan mula sa E-bay

Hindi nakasaad sa post ng Brighter Goals Facebook page kung saan nakabibili ng cornpurse sa Pilipinas ngunit inaasahang dahil trending ito sa social media ay lalaganap ito sa mga mall at mga tiangge sa bansa.

Sa online store naman na e-bay, mayroong ibinebentang ‘cute corn’ case na maaaring lagyan ng pera, pencil, ballpen, at iba pang bagay dahil sa pahaba nitong hugis. Nagkakahalaga ang nasabing hugis mais na lagayan ng 10.99 US dollars o halos 600 pesos.

Source :

Facebook, E-bay

Loading…