Creative Dad: Tatay, gumawa ng standees ng kaniyang asawa upang hindi hanapin ng kaniyang paslit na anak

  • Kinabibiliban ng mga netizens ang diskarte ng isang daddy sa social media
  • Gumawa kasi ito ng standee ng kanyang asawa upang hindi na hanapin pa ng kanyang anak
  • Maraming netizens naman ang gustong gayahin ang diskarteng ito ng Japanese dad

Dahil sa nagbabagong panahon, hindi na lamang mga nanay ang nag-aalaga sa kanilang mga anak. May mga pagkakataong kailangan na rin ng mga ama na manatili sa bahay upang arugain ang mga bata. Ngunit minsan, sadyang habol sa ina ang mga anak kaya naman nagiging suliranin sa ibang tatay na mag-alaga sa mga ito.

Kaya naman trending ngayon sa social media ang isang Facebook post kung saan dumiskarte ang isang ama mula sa Japan kung paano paaamuhin ang anak na umiiyak daw sa paghahanap sa kanyang ina. Naging epektibo naman daw ang diskarteng ito kaya naman maraming netizens ang natuwa.

Larawan mula sa The Ideal King Facebook account

Ayon sa post ng page na The Ideal King, isang Japanese na tatay daw ang gumawa ng mga standee ng kanyang asawa at inilagay ito sa iba’t ibang bahagi ng kanilang bahay upang tumahan ang anak na madalas hanapin ang ina.

Makikita sa mga larawang inupload ang mga standee ng ina na inilagay sa iba’t ibang bahagi ng kanilang bahay tulad ng sala at kusina. Iba-iba rin ang posisyon ng ina, mayroong nakatayo at nakaupo, kaya naman inaakala talaga ng bata na naroon ang kanyang ina. Kitang-kita naman na epektibo ito dahil masaya lang na naglalaro ang bata sa larawan.

Nag-trending naman at umani ng libo-libong likes at shares ang post na ito ng The Ideal King. Sa kasalukuyan, mayroong 15,000 reactions, 9,000 comments, at 17,000 shares ang nasabing post. Maraming netizens naman ang natuwa sa ideyang ito ng tatay. Ayon sa ilan, magandang ideya raw ito lalo na sa mga batang habol sa kanilang mga magulang.

Larawan mula sa The Ideal King Facebook account

May ilan naman na nagbibigay ng suhestiyon na maaari din umanong mag-record ang ama ng boses ng magulang upang maging makatotohanan na ito talaga ang kanyang ina, lalo na’t moderno naman na ang teknolohiya partikular sa bansang Japan.

Ngunit may ilang netizens din na tila nag-aalangan sa ideyang ito. Ayon sa kanila, nakakatakot at nakagugulat daw na makakita ng standee ng isang tao sa kung saan-saang sulok ng bahay lalo na at halos kasing laki din ito ng totoong tao.

Loading…