Dalawang aircon bus tumangging isakay ang isang pamilya ng katutubong Aeta

  • Dalawang aircon bus ng Victory Liner, tumanggi umanong isakay ang isang pamilyang Aeta
  • Ibinahagi ng isang netizen sa social media ang insidente
  • Nakaabot sa pamunuan ng Victory Liner ang insidente at humingi na raw ito ng paumanhin

Ibinahagi ng isang netizen sa social media ang nakalulungkot na sinapit ng isang pamilya ng Aeta na hindi umano pinasakay ng aircon bus mula sa Olongapo City sa hindi pa malamang dahilan.

Imahe mula kay Mikhael Petito via Facebook

Ayon sa netizen na si Mikhael Petito, naghihintay siya ng bus patungong Pasay City nang mapansin niya ang isang pamilya ng katutubong Aeta na may kausap na isang babae sa gilid ng waiting shed. Aniya, na-curious siya kaya lumapit siya upang marinig kung ano ang pinag-uusapan.

Nalaman niya na patungo sa Sta. Cruz, Pampanga ang mga katutubo at dalawang aircon bus na raw ang tumangging isakay sila.

Sabi ni Mikhael ay hindi niya nakita ang aktwal na hindi pagpapasakay sa mga Aeta, subalit handa raw siyang makipagbalyahan sa susunod na darating na aircon bus upang pasakayin ang pamilya ng mga katutubo.

Isang ordinary bus (hindi aircon) umano ang sumunod na dumating at isinakay naman ang mga Aeta.

Ang tanong ni Mikhael sa Victory Liner ay kung may patakaran ba ang kumpanya na mamili ng mga isasakay.

“Hi Victory Liner, Inc. , may existing rules ba kayo na namimili ng sasakay? Ayon kay ate na nag assist din sa kanila 2 victory liner bus ang tinanggihan sila,” post ni Mikhael.

Imahe mula sa Facebook page ng Victory Liner, Inc.

Maraming social media users ang nagpahayag ng galit sa Victory Liner dahil sa ginawa ng dalawang aircon bus nito na tumangging isakay ang mga katutubo.

Nagbigay naman ng update si Mikhael sa post niya at sinabing nakarating na sa pamunuan ng Victory Liner ang insidente. Humingi na umano ng paumanhin ang bus company.

“UPDATE: Umabot na po ang isyung ito sa Victory Liner and humingi na po sila ng tawad,” post ni Mikhael.

Nagpaabot sa kanya ng mensahe ang Customer Care Superintendent ng bus company.

“I totally agree with you, that all of the PUV’s should not select their passengers. All are equal and should be treated the same as the others. Aetas are also Filipinos are humans therefore they should be treated as one,”  bahagi ng mensahe ng Customer Care Superintendent kay Mikhael.

Source :

Facebook

Loading…