Engaged na si Fabio: Miko Raval na napapanood sa TKB, engaged na sa kanyang long-time girlfriend

  • Engaged na ang Kapamilya actor na si Miko Raval sa kanyang long-time girlfriend
  • Ginawa ni Miko ang proposal kay Kaira Dimatulac sa bansang South Korea
  • Magkakaiba naman ang reaksyon ng fans ni Miko a.k.a. Fabio sa kanyang engagement

Kung may maituturing na breakthrough actor ang ABS-CBN ngayong taon, marami ang magsasabi na ito ay si Miko Raval. Kahit matagal nang napapanood sa ilang Kapamilya teleserye, ngayong taon tuluyang nagningning ang bituin ni Miko nang makapareha niya si Maja Salvador sa teleseryeng TKB.

Marami ang humanga sa galing sa pag-arte ni Miko na nakilala bilang Fabio sa show. Marami rin ang nagsabi na bagay sila ni Maja na gumaganap naman bilang Camila dela Torre. Sinasabi rin ng iba na hindi malabong marating ni Miko ang narating ni Coco Martin na nag-umpisa rin noon sa maliliit na roles.

Larawan mula sa Instagram account ni Kaira Dimatulac

At bago matapos ang 2019, pinatunayan ni Miko na taon niya ito. Nag-propose na kasi siya sa kanyang long-time girlfriend na si Kaira Dimatulac habang nagbabakasyon sila sa South Korea.

Ibinahagi ni Kaira sa kanyang Instagram account ang larawan niya suot ang singsing na ibinigay ni Miko.

“Speechless!! Cheers to forever babe. I love you,” sabi ni Kaira sa kanyang post kalakip ang mga larawan nila sa gitna ng malamig na panahon sa Korea.

Ayon sa isang panayam, magkasintahan na sina Miko at Kaira sa loob ng pitong taon. Business partners din sila sa sarili nilang apparel line. Hilig daw nilang dalawa ang mag-travel kaya naman hindi na rin nakapagtatakang ginawa nila ang kanilang proposal sa bansang Korea na napuntahan na rin nila noon.

Nakatanggap naman ng pagbati mula sa kanilang mga kaibigan ang bagong engaged na sina Miko at Kaira. Sa kasalukuyan, wala pang post si Miko tungkol sa kanyang engagement sa kanyang long-time girlfriend.

Larawan mula sa Instagram account ni Kaira Dimatulac

Marami namang fans ni Miko aka Fabio ang ‘nalulungkot’ dahil engaged na ang isa sa kanilang showbiz crushes. Marami din ang nagbiro na kaya pala hindi pa magising-gising ang tauhang si Fabio sa TKB ay nagpapasarap pala ito sa ibang bansa at nagtataksil kay Camila.

Mapapanood si Miko sa top rating show na TKB na nalalapit na rin ang katapusan. Umaasa sila na si Fabio ang makakatuluyan ng karakter ni Maja na si Camila dahil umani na ng maraming fans ang kanilang tambalan sa serye.

Loading…