Enrique Gil, balak ibenta ang limang palapag na beach house sa Anilao, Batangas

  • Balak nang ibenta ni Enrique Gil ang kaniyang limang palapag na beach house na nasa Anilao, Batangas
  • Magpapatayo kasi sila ng bagong business venture na may kinalaman sa restaurant
  • Sina Enrique at ang kaniyang ina ay nasa negosyo ng real state

Katulad ng iba pang mga trabaho, hindi panghabambuhay ang pag–aartista. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may nakahaing proyekto sa isang aktor o aktres kahit gaano man siya kasikat. Kaya naman iminumungkahi sa kanila na magkaroon sila ng negosyo o investment upang may mapaghugutan kung sakaling magdesisyon silang iwanan na ang limelight.

Katulad na lamang ng magkatambal at magkasintahang sina Liza Soberano at Enrique Gil na mas kilala sa bansag na “LizQuen”. Bukod sa hindi nawawalan ng proyekto sa ABS–CBN, hindi rin humuhupa ang kanilang kasikatan bilang isa sa mga love teams na tinitilian. Bukod dito sila rin ay isa sa mga may pinakamalawak na fan base ng mga tagahanga.

Public Domain Image

Sa panayam ng PEP o Philippine Entertainment Portal sa dalawa noong Disyembre 8, 2019, Sunday, sa pagpapasinaya ng negosyong spa ni Liza sa Alabang, Muntinlupa City, sinabi ni Enrique na balak niyang ipagbili ang kaniyang limang palapag na ipinatayong beach house sa Anilao, Batangas.

Mataas na raw ang halaga ng kaniyang ipinatayong bahay na malapit sa beach kaya maaari na itong ibenta. Ito talaga umano ang plano niya dahil sanay sila ng kaniyang inang si Bambi Gil sa pagnenegosyo na may kaugnay sa real state.

Ang mapagbibilhan sa property ay gagamitin umano ni Enrique sa pagpasok sa iba pang negosyo, gaya ng restaurant. Bukod sa naturang beach house sa Anilao, Batangas, ibinebenta rin ni Enrique ang kanilang property naman sa Paranaque upang makatulong sa pagpapatayo ng pangarap na restaurant business.

Marami naman sa mga netizen ang nagpahayag ng kanilang interes na mabili ang property ni Enrique, lalo na kung may sapat silang pera. Sabi ng isa, “How much is your beach property in Anilao? Bilhin ko na iyan. Para na rin kitang nakasama, hahaha.”

Imahe mula sa Instagram account ni Enrique Gil

Turan naman ng isa pa, “Magkano naman? It’s a good place to retire.”

Nakatakdang mapanood ang tambalang LizQuen sa Primetime Bida ng Kapamilya Network sa kanilang bagong teleseryeng “Make It With You” na kinuhanan pa sa ibang bansa tulad ng Croatia. Naiibang Liza at Enrique raw ang mapapanood ng mga tagahanga na kailangan nilang pakatutukan.

Loading…