Estudyante kakasuhan ng PNP dahil sa naka-aalarmang post sa social media

  • Estudyanteng nag-post ng naka-aalarma sa social media, kakasuhan ng PNP
  • Napag-alaman ng pulisya na walang katotohanan ang ipinost ng estudyante
  • Humingi na ng paumanhin ang estudyante subalit kakasuhan pa rin siya ng pulisya

Sasampahan ng Philippine National Police (PNP) sa Danao City, Cebu ng kasong alarm and scandal kaugnay ng Cybercrime Law ang isang 21-anyos na lalaking estudyante matapos maalarma ang publiko sa kanyang social media post.

Imahe mula sa Pixabay

Sinabi ni Major Anthony Autencio, deputy chief ng PNP Anti-Kidnapping Group Visayas Field Unit, na ang post ng estudyanteng kinilalang si Brigs Granada Alvaro tungkol sa diumano ay tangkang pagkuha sa kanya ng mga sakay ng isang van ay hindi totoo at walang factual basis.

Sinabi umano ni Alvaro sa post niya sa kanyang Facebook account, na ngayon ay deactivated na, na may isang kulay puting van na nakaparada sa Barangay Poblacion, Danao City at sakay nito ang kahina-hinalang lalaki at babae.

Habang naghihintay siya ng masasakyan dakong alas-siyete ng gabi, nilapitan raw siya ng babae mula sa van at nagtanong ng direksyon. Lumapit din umano ang lalaki at binebentahan siya ng pabango sa halagang P100. Pilit na ipinaaamoy daw sa kanya ang pabango upang malaman kung magugustuhan niya iyon.

Sinabi pa ni Alvaro sa Facebook post na may narinig siyang boses ng isang bata na humihingi ng tulong mula sa loob ng van. May nakita raw siyang malalaking kahon sa loob ng sasakyan.

Ginawa ni Alvaro ang kanyang nakababahalang social media post sa gitna ng mga napapaulat na serye ng pagkuha sa mga kabataan ng mga lalaking sakay ng kulay puting van kaya naman naalarma ang mga residente ng Danao City.

Imahe mula sa Facebook account ni Val T. De Leon

Ayon kay Danao City police chief Lt. Col. Maribel Getigan, agad nilang tinunton si Alvaro upang alamin ang detalye ng insidente, ngunit napag-alaman nila na walang katotohanan ang sinabi niya sa social media.

Humingi na ng dispensa si Alvaro sa Danao city government dahil sa ginawa. Sa kabila niyon, itutuloy pa rin ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.

Ayon kay Lt. Col. Getigan, maituturing na criminal 0ffense ang ginawa ni Alvaro

Dinala si Alvaro sa City Social Welfare and Development Office para isailalim sa psychological examination upang alamin kung normal ang kanyang pag-iisip.

Source :

Sunstar, Facebook

Loading…