Fil-Am sprinter gumawa ng kasaysayan sa SEA Games, nahigitan ang lahat ng records sa 200-meter dash

  • Fil-Am sprinter na si Kristina Marie Knott gumawa ng bagong record sa SEA Games
  • Nagawa niyang basagin ang record ni Fil-Canadian sprinter Zion Rose-Corrales Nelson na una nang bumasag sa records na matagal hinawakan ni Lydia de Vega at Thai national na si Supavadee Khawpeag
  • Naitala ni Knott sa finals ng 200-meter dash ang bilis na 23.01 para masungkit ang gintong medalya

Gumawa ng kasaysayan ang Fil-Am na si Kristina Marie Knott sa Southeast Asian (SEA) Games nang mahigitan niya ang lahat ng records sa women’s 200-meter dash noong Sabado, ika-7 ng Disyembre sa New Clark City Athletics Stadium.

Imahe mula sa 2019 SEA Games Facebook page

Sa ikalawang pagkakataon ay muling nahigitan ang SEA Games record na 23.30 seconds na naitala ng Thai na si Supavadee Khawpeag noong 2001 at ang Philippine record na 23.35 seconds ni Lydia de Vega; ang tinaguriang “Asia’s fastest woman,” na naitala niya noong 1986.

Kumain ng alikabok ang mga kakumpetensya ni Knott nang maitala niya ang record-breaking na bilis na 23.07 seconds sa qualifying heat ng kumpetisyon.

Dinaig ni Knott ang 23.16 seconds na naitala nito lang buwan ng Abril 2019 ng Fil-Canadian na si Zion Rose Corrales-Nelson, na siyang unang tumalo sa record ni Supavadee Khawpeag at Lydia de Vega.

Sa finals ng 200-meter dash competitions, nagawa ni Knott na mahigitan ang sariling record matapos maitala ang bilis na 23.01 para masungkit ang gintong medalya.

Si Le Tu Chinh ng Vietnam ang pumangalawa para sa silver medal sa bilis na 23.45 seconds at si Veronica Pereira ng Singapore ang nakakuha ng bronze medal sa bilis na 23.77 seconds.

Imahe mula sa 2019 SEA Games Facebook page

“I’m just grateful. I prayed for this one. I’m just grateful that I’m seeing my prayers being answered,” anang 24-anyos na si Knott.

Ang record na nagawa ni Knott, sa kasamaang palad, ay kapos para makakuha ng outright berth sa 2020 Tokyo Olympics kung saan ang standard qualifying time ay 22.80 seconds.

“I didn’t get it, so I’ll just settle for this gold,” aniya.

Sa Linggo ng gabi, ika-8 ng Disyembre, ay susubukin ni Knott na masungkit ang gintong medalya sa 100-meter dash competition.

Imahe mula sa 2019 SEA Games Facebook page
Source :

Spin, Inquirer

Loading…