First customer, Pasko pa lang nakapila na para abangan ang December 28 opening ng Jollibee sa Arizona

  • Pinay, tatlong araw pumila para masigurong siya ang unang customer ng bubuksang Jollibee sa Arizona
  • Gabi ng Pasko ay nakapila na ang Pinay sa Jollibee branch na sa December 28 ang Grand opening
  • Ang first 50 customers sa grand opening na bibili ng halagang $25 o higit pa ay mananalo ng “One Year of Joy” o isang six-piece bucket ng Chickenjoy kada buwan sa loob ng isang taon

Para masiguro na siya ang magiging unang customer ng Jollibee branch na bubuksan sa Arizona, gabi pa lang ng Pasko ay pumila na si Irene Daguio Ballesteros-Shields upang abangan ang grand opening ng fastfood chain sa ika-28 ng Disyembre.

Imahe mula sa Jollibee USA

Para kay Irene, ang Jollibee na bubuksan sa Germann Road sa Chandler, Arizona ay hindi lang tungkol sa pagkain. Aniya, ibinabalik nito ang mga magagandang alaala noong nasa Pilipinas pa siya. Isang magandang lugar din ito para sa Filipino Community sa Chandler.

“It’s like a reunion even if you don’t know anybody,” aniya.

Bagaman at malapit lang ang bahay ni Irene sa bubuksang Jollibee branch – mga 10 minuto lang ang layo ng biyahe – siniguro niya na siya ang mauuna sa pila sa pagbubukas nito.

Kuwento niya, pagkatapos ng Christmas celebration ng pamilya niya ay agad siyang nagtungo sa Jollibee para pumila. Noong una ay naglagay siya ng tent malapit sa entrance nito, subalit pinakiusapan siya ng security guard ng shopping mall kung saan naroroon ang fastfood restauarant na sa kotse na lang siya manatili.

Dahil sa ipinakitang dedikasyon, pinangakuan siya ng mga staff ng Jollibee na bibigyan siya ng extra collectible memorabilia sa opening day.

Imahe mula sa AZCentral

Tuwing gabi ay sinasamahan siya ng kanyang kabiyak pagkagaling nito sa trabaho. Ilang kaibigan ang nagdadala sa kanya ng pagkain at medyas para mainitan ang mga paa. Pinalitan din siya sa pila ng isang kaibigan para makapag-shower siya sa bahay nito sa di-kalayuan.

Ayon sa Jollibee USA, ang unang 50 customers sa grand opening nito na bibili ng halagang $25 o higit pa ay mananalo ng “One Year of Joy” o isang six-piece bucket ng Chickenjoy kada buwan sa loob ng isang taon.

Sigurado nang pasok siya sa lucky 50!

Imahe mula sa Jollibee USA

Loading…