Flower Farm sa Asingan, Pangasinan, bagong pasyalan

  • May bagong pasyalan sa Asingan sa lalawigan ng Pangasinan
  • Ito ay ang “Flower Farm” na pribadong pagmamay–ari ng isang pamilya
  • Ayon sa may–ari, wala umano silang balak na buksan sa publiko ang kanilang property, subalit dahil sa dami ng namamasyal, tuluyan na nila itong ginawang pasyalan

Mahilig ka ba sa tanawing napalilibutan ng magagandang bulaklak? Puwes, halina’t pasyalan ang patok na “Flower Farm” na matatagpuan sa Asingan, Pangasinan.

Ang naturang Flower Farm ay pagmamay-ari ng pamilya Sapiera sa Barangay Carosucan Sur sa Asingan, Pangasinan. Gugugol lamang ng labing-limang minutong byahe mula sa bayan ng Asingan, agad na mapupuntahan ito at maaaring gumawa ng iba’t ibang recreational activities ang buong mag–anak tulad ng overnight camping at picnic sa lugar na punumpuno ng  magagandang bulaklak.

Imahe mula sa ABS CBN News

Bida ng may–ari ng flower farm na si Emmanuel Sapiera, wala silang balak na buksan sa publiko ang kanilang property, subalit dahil sa dami ng namamasyal, tuluyan na nila itong ginawang pasyalan. Ayon pa sa kaniya, mahilig talaga silang magtanim ng kaniyang asawa, kaya ipinamana na niya ang farm sa kaniyang buong pamilya.

“Mahilig talaga kaming magtanim na mag-asawa. Itong farm na ito sa buong pamilya ko na. Kung ano iyong appreciation nila sa mga bulaklak, sana mai-preserve nila iyon para lalong magtagal,” ani Emmanuel.

Bukod sa pagtingin sa mga naggagandahang bulaklak tulad ng Vietnam Rose, African Marigold, sunflower, zinnia, orchids, at iba pang ferns, makikita rin dito ang iba’t ibang mga bungang–kahoy na tipikal na makikita sa Pilipinas tulad ng mangga, papaya, calamansi.

Mayroon din ditong mulberry na bihira lamang sa atin. Kahit na magaganda ang mga ito, ipinagbabawal ang pagtapak at pagpitas ng mga bulaklak gayundin ang pagkakalat. Bukas sa mga turista ang kanilang flower farm mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Imahe mula sa ABS CBN News

Balak pang palaguin at paunlarin ng pamilya Sapiera ang flower farm, na hindi lamang itinuturing na bagong atraksyon ng turismo sa Asingan, kundi magandang alternatibo rin sa mga sikat at magagandang lugar na karaniwang pinapasyalan tulad ng Baguio City at iba pa.

Nabitin ka ba sa kuwento lang? Well, tara nang sumilip sa video na ito na ibinahagi ni Paps Marco Vlogs via YouTube:

Loading…