From mangangalakal to champion: Transformation ni Lyca Gairanod, trending sa social media

  • Trending sa social media ang transformation photos ni Lyca Gairanod
  • Malaki ang pinagbago ng kanyang hitsura simula nang manalo siya sa The Voice Kids
  • Maraming netizens naman ang natuwa dahil indikasyon daw ito ng tagumpay ni Lyca

Tuwing matatapos ang taon, mayroong mga pagbabalik-tanaw na nauuso sa social media kabilang ang ’10-year challenge.’

Sa pamamagitan ng mga ganitong post ay nakikita ng mga netizens ang malaking ipinagbago ng kanilang hitsura, katayuan sa buhay, at maging ang paraan ng kanilang pananamit at pagporma.

At ngayong 2019, nauuso naman sa Facebook ang pagbabahagi ng larawan ng ‘glow up’ pictures kung saan makikita rin ang transformation ng mga netizens noong  sila ay bata pa at hitsura nila sa kasalukuyan. Isa sa mga nag-trending na ‘glow up’ photo sa social media ay larawan ng The Voice Kids first grand champion na si Lyca Gairanod.

Larawan mula sa YouTube

Ibinahagi ng Facebook page na The Scoop ang dalawang larawan ni Lyca na kuha noong 2014 at isang larawan ngayong taon kung saan makikita ang malaking pagbabago sa hitsura ng batang singer.

Sa unang larawan, makikita si Lyca na batang-bata pa at tila wala pang kayos-ayos. Mula ang larawan sa isang viral video ni Lyca kung saan kumakanta siya kapalit ng kalakal.

Dahil na rin gipit sila noon, hindi rin ganoon kaayos ang pananamit ni Lyca. Sikat daw noon si Lyca sa kanilang lugar sa Tanza, Cavite na nagbabahay-bahay upang kantahan ang kanilang mga kapitbahay kapalit ng mga barya at kalakal na siyang naitutulong niya para sa kanyang pamilya.

Ang kanyang husay sa pag-awit din ang nagtulak sa kanya upang mag-audition sa unang edisyon ng The Voice Kids sa bansa. Napabilib niya ang Popstar Royalty na si Sarah Geronimo sa kanyang mala-Aegis na performance kaya naman nakarating siya hanggang sa finale kung saan siya rin ang itinanghal na grand winner.

Larawan mula sa Instagram account ni Lyca Gairanod

Naiuwi ni Lyca ang bagong house and lot, bagong appliance showcase, at isang milyong piso na nagpabago sa takbo ng buhay ni Lyca at ng kanyang pamilya. Naging regular din ang kanyang TV shows sa ABS-CBN kasama pa ang iba’t ibang pagtatanghal sa loob at labas ng bansa.

Maraming netizens ang humanga sa malaking transformation ni Lyca. Masaya sila para sa batang singer na narating nito ang kanyang pangarap na maayos na pamumuhay para sa kanyang pamilya. Patunay daw ito na kailangan lang nating pagsumikapan ang ating pangarap upang maging katotohanan.

Loading…