Giant beach volleyball, patok sa netizens; magandang ideya sa mga team building ng eskwela at kompanya

  • Trending ngayon sa social media ang kakaibang bersiyon ng volleyball na gusto ring maranasan ng ilang netizens
  • Higante kasi ang bolang ginagamit sa larong ito na kailangang saluhin ng maraming players 
  • Maraming netizens naman ang gustong gawin ito ng kompanya nila sa kani-kanilang team building

Maliban sa basketball, nahumaling na rin ang mga Pilipino sa larong volleyball. Dinadagsa na ang mga laro ng iba’t ibang collegiate conferences at libo-libong fans ang nanonood nang live sa malalaking venues tulad ng MOA Arena at Araneta Coliseum. Mayroon na ring dalawang professional volleyball leagues para sa mga kababaihan.

At ngayon ang paboritong larong volleyball ay maaari na ring laruin sa mga team building na mayroong kakaibang twist. Ito ang mapapanood sa inupload na video ng isang netizen sa kanyang Facebook account. Naglaro kasi sila ng beach volleyball na gamit ang isang napakalaking bola.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ni Nins Huo Humen

Patok ngayon online ang video ni Nins Huo Humen kung saan makikita ang dalawang koponan na naglalaro ng giant beach volleyball.  Tulong-tulong ang halos nasa sampung tao sa pagbato sa bola sa kabilang panig ng net na sasaluhin naman nang sabay-sabay ng mga katunggali nila.

Parehas din ang rules nito sa normal na volleyball na hindi kailangang lumapag sa lupa ang malaking bola. Kailangan ding matagumpay itong maitawid sa kabilang panig ng court upang hindi makapuntos ang kalaban.

Dahil kinakailangan ng team work, lubhang masaya ang larong ito na kitang-kita naman sa viral video sa Facebook. Masusukat talaga ang pagkakaisa ng bawat koponan dahil kailangan ay iisa at sabay-sabay ang galaw dahil hindi kayang saluhin ng isa o dalawang tao lamang ang napakalaking bola.

Larawan mula sa Facebook account ni Nins Huo Humen

Sabi pa ng uploader na si Humen, sa ganitong uri daw ng volleyball ay walang top scorer, walang magbubuhat sa team, at walang magaling dahil diskarte ng grupo ang masusukat sa larong ito.

Samantala, umabot naman ng mahigit 94,000 reactions, 42,000 comments, at 312,000 shares ang post na ito na halos dalawang linggo pa lang naka-upload.

Marami namang empleyado ng mga opisina ang nakakuha ng ideya sa susunod na lalaruin nila sa kanilang team building. Kanya-kanyang tag na sila sa mga kasamahan upang sabay-sabay na imungkahi sa kanilang boss ang masayang larong ito.

Loading…