Goals: Mag-asawang magsasaka, napagtapos ang kanilang walong anak sa kolehiyo

  • Hinahangaan ng netizens ang mag-asawang magsasaka mula sa Cebu na nakapagpatapos ng kanilang walong anak
  • Hindi man naging madali, ayon sa panganay na si Jovy, ay kinaya ng kanyang mga magulang na igapang ang kanilang edukasyon
  • Ibinahagi ni Jovy ang kanilang kuwento upang magsilbing inspirasyon sa maraming pamilya

Karangalan para sa isang magulang na mapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak. Ngunit higit na karangalan para sa mga magulang kung makatapos ang mga anak ng kolehiyo sa kabila ng kakapusan ng salapi. May mga magulang na susuungin ang lahat para lamang maibigay ang magandang pamumuhay sa kanilang anak.

Ito ang pinatunayan ng mag-asawang magsasaka mula sa San Remigio, Cebu na sa kabila ng kanilang simpleng kabuhayan, kinaya nilang bigyan ng diploma sa kolehiyo ang kanilang walong anak. Ibinihagi ng panganay na anak nina Diosdado at Libelita Cataraja na si Jovy Cataraja-Albite sa kanyang Facebook post ang pagsusumikap ng kanyang mga magulang para sa edukasyon nilang magkakapatid.

Larawan mula sa Facebook post ni Jovy Cataraja-Albite

Kahit na hindi ganoon kalaki ang kita ng isang magsasaka, nagawang mapagtapos nina Diosdado at Libelita ang walong anak sa iba-ibang kurso. Si Jovy na nag-post ng pasasalamat sa kanyang mga magulang ay isa nang nurse, habang ang iba pa niyang kapatid ay nakapagtapos ng criminology, architecture, kursong marino, accountancy, civil engineering, kursong nautical, at education.

Proud sina Jovy at iba pang mga kapatid sa narating nila at ngayon ay propesyonal na silang magkakapatid. Ngunit batid niya na hindi magiging posible ang kanilang pag-unlad kung hindi dahil sa kanilang mga magulang. Kahit pa raw umabot sila noon sa puntong hindi sila makakain sa araw-araw ay hindi sinukuan ng kanyang mga magulang ang mabigyan sila ng maayos at magandang edukasyon.

Kahit si Jovy raw ay hindi inakalang makakayanan nila ang mga pagsub0k na dumating sa kanilang pamilya, lalo na ang aspektong pinansyal. Ngunit dahil na rin sa pagsusumikap ng kanyang mga magulang at pagdodoble kayod sa bukid, naging posible ang dati ay pangarap lamang nilang lahat.

Ngayon daw na kumikita na silang magkakapatid, panahon na raw upang makabawi sa kanilang mga magulang. Gagawin daw nilang walo ang lahat ng kanilang makakaya upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga magulang na hindi na rin bumabata.

Larawan mula sa Facebook post ni Jovy Cataraja-Albite

Sinaluduhan ng mga netizen ang dakilang mag-asawang magsasaka sa kanilang determinsayon bilang mga magulang. Patunay daw sila na hindi hadlang ang kakulangan sa salapi upang maging mabuting magulang. Lahat daw ay nadadaan sa pagsusumikap na balang araw ay masusuklian din.

Humanga din ang mga netizens kay Jovy at sa kanyang mga kapatid dahil hindi raw binigo ng mga ito ang kanilang mga magulang. Nagsisilbi raw silang inspirasyon na basta pursigido rin ang mga anak na makatapos ay mayroong magandang bukas na naghihintay sa mga ito.

Loading…