Grab Food delivery woman na naglalakad lamang, hinangaan ng netizens

  • Pinag-uusapan ngayon ang isang Grab Food delivery woman dahil sa kakaibang paraan nito ng paghahatid ng pagkain
  • Imbes kasi na nakasakay ito sa motorsiklo ay naglalakad lamang ito upang maihatid ang pagkain
  • Hinangaan naman ng netizens ang masipag na delivery agent, maging ang kompanyang Grab dahil sa bagong paandar na ito

Nauso ang pagpapadeliver ng pagkain gamit ang application na Grab Food. Dito ay maaaring pumili ng anumang food stall o restaurant at ang rider na ang bibili ng pagkain para sa iyo. Karaniwang nakasakay sa motorsiklo ang mga Grab Food delivery agents upang mas maging madali para sa kanila ang gagawing transaksiyon.

Gayunman, usap-usapan ngayon sa Facebook ang isang Grab delivery woman na masayang nagseserbisyo sa kanyang customers habang naglalakad lamang. Wala siyang minamanehong motor o anumang sasakyan at tanging paa lamang niya ang kanyang ‘service’ para maihatid ang orders ng customers.

Larawan mula kay Jarred Gaviola

Ibinahagi ng netizen na si Jarred Gaviola ang kakaiba pero nakatutuwang karanasan niya nang minsang mag-order ng pagkain sa Grab Food. Lumabas kasi sa mismong app na on the way na ang delivery woman na si Roshelle Medillo at nakalagay na ‘on foot’ o naglalakad lamang ito.

Minarapat nang tanungin ni Gaviola si Medillo sa pamamagitan ng app kung naglalakad lamang ba ito. Magiliw namang sumagot ang delivery woman at sinabing naglalakad lamang talaga siya.

Satisfied customer naman si Gaviola kahit naglakad lamang si Medillo papunta sa kanilang tahanan. Nakipag-selfie pa ito sa babae na dala pa ang food bag na may logo ng Grab Philippines. Humanga rin si Gaviola sa determinasyon ni Medillo na magtrabaho sa Grab Food kahit na wala itong motorsiklo.

Ipinaabot din ni Gaviola ang kanyang paghanga sa kompanyang Grab Food sa pagbibigay ng patas na oportunidad sa lahat ng nais magkaroon ng trabaho, kahit iyong mga walang motorsiklo.

Larawan mula kay Jarred Gaviola

“Nagulat rin ako na may ganung tinatanggap ang Grab which is nakatutuwa dahil nagiging fair sila sa lahat ng gustong magtrabaho sa company nila,” pahayag ni Gaviola sa kanyang post.

Marami rin ang natuwa sa bagong paandar na ito ng Grab Food. Ayon sa mga netizen, maganda raw ang maidudulot nito sa ilang delivery agents dahil makapag-eehersisyo na sila, nagtatrabaho pa. May mga nagpaabot din ng paghanga sa masipag na delivery woman at hiniling na lagi siyang mag-iingat sa kanyang paghahatid ng mga pagkain sa customers.

Loading…