Hi-tech limos: Ginang na namamalimos, may QR Code para sa cashless transaction ng mga magbibigay ng tulong sa kanya

  • Trending sa social media ang hi-tech na panlilimos ng isang ginang sa China
  • Gumagamit kasi siya ng QR code para makahingi ng limos
  • Ayon sa ilan, laganap na raw talaga ang cashless transactions sa China

Napabalita kamakailan ang hi-tech na tusok-tusok sa Mandaluyong City. Imbes kasi na cash, maaaring gumamit ng e-money sa pagbabayad ng biniling kwek-kwek, fishballs, kikiam, at iba pang produkto mula sa isang simpleng food cart business sa tabi ng kalsada. Marami ang napamangha rito dahil kahit maliit na negosyo ay gumagamit na rin ng cashless transactions.

Ngunit kung akala ninyo ay todo na ang hi-tech payment sa biniling street food, sa China, mas advanced ang paraan ng panghihingi ng limos. Viral ngayon sa Facebook ang larawan ng isang ginang na namamalimos gamit ang isang cashless payment method.

Larawan mula sa Facebook post ni Fazil Irwan

Sa post ng netizen na si Fazil Irwan, ikinuwento niya kung paano sila ginulat ng isang matandang babae na nanghihingi ng limos. Sikat naman daw sa China ang e-money transaction na WeChat pero hindi nila inakala na mayroon na rin nito pati ang mga namamalimos.

Sinabi raw nila sa matanda na wala silang cash na dala. Pero sumagot daw ito na ayos lamang dahil mayroon naman siyang dalang QR code na maaaring i-scan para magkaroon siya ng pera. Nagbigay naman ang kasama niya at nag-scan nga ng QR code ng matanda.

“In my previous post, I spoke about how almost everything is transacted through WeChat in China. It so happened that some of our friends went for dinner and a beggar on the road asked for money. One of our friends told the beggar that she didn’t have cash. The beggar said it’s ok, you can pay through WeChat. And that’s what she did,”  sabi ni Irwan sa kanyang post.

Sari-sari ang reaksiyon ng mga netizens sa kakaibang paraan ng panlilimos sa China. Umabot na nga sa higit 2,300 reactions na karamihan ay ‘haha’ ang post habang 11,000 na netizens naman ang nag-share nito sa Facebook.

Larawan mula sa Flickr

Ayon sa ibang netizens, mas techie pa raw sa kanila ang mga namamalimos dahil sila ay walang ganoong teknolohiya sa pananalapi. Ang iba naman ay nagbiro na gusto niyang maging pulubi sa China dahil tamang scan lang daw ng QR code ay instant pera na.

May ilang nasa China rin ang nagsabi na talagang normal na sa kanila ang paggamit ng WeChat bilang pambayad at pangtulong na rin. Kahit ang mga nagtitinda sa palengke at bangketa raw ay maaari nang bayaran sa pamamagitan ng cashless methods.

Loading…