Hipon Girl Harlene, umaabsent pa raw sa school kapag nasa lugar nila ang Eat Bulaga noon pero laging wala si Maine Mendoza

  • Nagkita sa unang pagkakataon ang dalawang breakthrough star ng GMA Network na sina Maine Mendoza at Hipon Girl Harlene Budol
  • Nakatakdang mag-guest si Hipon sa comedy show nina Maine at Vic Sotto na Daddy’s Gurl
  • Dito inilahad ni Hipon na lumiliban pa siya sa klase noon para makita si Maine ngunit lagi naman daw itong wala kapag sa barangay nila nagpupunta ang Sugod Bahay

Mayroong pagkakatulad ang pag-uumpisa ng phenomenal star na si Maine Mendoza at ang trending queen ng Wowowin na si Harlene Budol o mas kilala bilang Hipon Girl.

Parehas na hindi inaasahan ang kanilang pagsikat. Masasabing extra lamang noon si Maine sa ‘Juan for All, All for Juan’ segment ng Eat Bulaga pero minahal agad ng mga manonood. Katulad ito ni Hipon na isa lamang contestant sa ‘Willie of Fortune’ ng Wowowin, at ngayon ay isa na sa mga sikat na personalidad ng Kapuso network.

Kamakailan, nagkita na ang dalawang breakthrough artist ng GMA Network dahil magsasama sila sa isang sitcom. Guest si Hipon sa show nina Bossing Vic Sotto at Maine na Daddy’s Gurl at dito ay nagkakuwentuhan ang dalawang kalog na personalidad.

Larawan mula sa Facebook page ni Maine Mendoza

Ibinahagi ni Maine sa kanyang Facebook page ang pagkikita nila ni Hipon sa taping ng comedy show na napapanood tuwing Sabado ng gabi. Ayon kay Maine, naaliw siya sa pagiging kuwela ni Hipon na lagi niya ring ipinamamalas sa Wowowin. Madaling nagkasundo ang dalawa dahil ganito rin ang personalidad ni Maine.

Sinabi rin daw ni Hipon sa kanya na kapag nagpupunta ang Eat Bulaga sa kanilang lugar sa Rizal para sa segment na ‘Juan for All, All for Juan’ ay umaabsent pa raw siya sa klase makita lang ang kanyang idolo na si Maine. Iyon nga lang, sa ilang ulit na pagdalaw ng Eat Bulaga sa lugar nina Hipon, ay lagi naman daw wala si Maine.

“Si Hipon Girl ang guest namin today sa #DaddysGurl! Sobrang kwela siya talaga, nakakaaliw! Sabi niya sa ‘kin umaabsent pa daw siya before kapag malapit sa kanila yung Sugod Bahay pero lagi daw ako wala,” pahayag ni Maine.

Kaya naman itinuturing daw ni Hipon na katuparan ng kanyang mga pangarap ang makita sa wakas ang tinaguriang Dubsmash Queen na si Maine. At hindi lamang basta-basta ang kanilang pagkikita dahil guest pa si Hipon sa show ng kanyang idol na si Maine.

Larawan mula sa Facebook page ni Maine Mendoza

“Sabi ko naman, tignan mo ngayon ikaw na ‘yung guest namin dito sa show! Bongga!” dagdag pa ni Maine sa kanyang post na mayroon nang halos 55,000 reactions at 1,000 shares habang isinusulat ang balitang ito.

Maraming fans din nilang dalawa ang natuwa sa kanilang pagkikita. Inaabangan na rin ng mga ito ang episode kung saan lalabas si Hipon dahil panigurado raw na masaya ito dahil kwela silang dalawa.

Loading…