Huwag pamarisan: Parking attendant harapang hinarang ang mga sasakyan sa daan para pahintuin

  • Lalaki sa Pampanga harapang hinarang ang mga malalaking sasakyan para pahintuin
  • Nakunan ng dashcam ang ginawa ng parking attendant sa San Fernando City, Pampanga
  • Gamit ang dalawang nakaunat na kamay ay harapang pinahinto ng lalaki ang isang malaking container van

Maraming mga aksidente sa kalsada ang maiiwasan kung ang lahat ay magpapairal ng ibayong pag-iingat, mga motorista man o ang mga pedestrian.

Imahe mula sa Pilipino Mirror

Sa isang video na nakunan ng dashcam ng isang netizen na nagngangalang Rhoderic Yuson Capulong, isang parking attendant sa San Fernando City sa Pampanga ang tila hindi alintana ang sariling kaligtasan at sinalubong pa ang mga malalaking sasakyan upang pahintuin.

Ang naturang video ay ibinahagi sa Facebook page ng Dash Cam Diaries Philippines noong ika-13 ng Disyembre.

“Ang superman “STOP” ng Pampanga,” ang caption na nakalagay sa social media post ng netizen.

Sa naturang video, ang parking attendant na hindi nakuha ang pagkakakilanlan ay may pinatatawid na isang kulay puting pick-up truck. Makikitang sinalubong niya ang isang delivery van at pinahinto. Matapos huminto ng van, lumipat naman ang parking attendant sa kabilang linya ng kalsada at pinahinto ang paparating na malaking container van.

Hindi alintana ng lalaki kung makakapag-preno ang malaking truck o hindi.  Gamit ang dalawang nakaunat na kamay ay tila pinigilan ng parking attendant ang container van na makausad.

Screenshot mula sa video ng Dash Cam Diaries Philippines

Hindi dapat pamarisan ang napakadelikadong ginawa ng lalaki dahil sa bigat ng container van ay posibleng hindi agad kumagat ang preno nito at maaari siyang mapahamak.

Ang pangyayari ay naganap ilang araw matapos mag-anunsyo ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na magsasagawa ito ng masusing imbestigasyon hinggil sa sunud-sunod na aksidenteng kinasangkutan ng mga malalaking truck.

I-click ang larawan upang mapanood ang video na ibinahagi ni Rhoderic Yuson Capulong via Facebook:

Source :

Facebook, YouTube

Loading…