‘Imahe’ ni Hesukristo, nakita sa pader ng isang kanal sa isang bayan ng Davao Oriental

  • May lumitaw umanong imahe ng mukha ni Hesukristo sa isang bayan sa Davao Oriental
  • Makikita ito sa isang pader ng drainage canal
  • Marami sa mga residente ng iba’t ibang lugar ang nag–alay ng bulaklak,  kandila, at panalangin sa harap ng imahe

Dinagsa at pinagkumpulan ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar ang lumitaw na umano’y imahe ni Hesukristo na sa pader ng isang kanal sa Purok Lawaan sa Barangay Don Aurelio Chicote na matatagpuan naman sa  Governor Generoso sa Davao Oriental, na unang natuklasan ng isang babaeng residente noong Disyembre 19, 2019.

Tamang–tama naman ito dahil sa pagdiriwang ng Kapaskuhan noong Disyembre 25, 2019 kaya naman naghandog ng mga bulaklak at nagtulos ng kandila ang mga taong bumisita upang masilayan ang imahe umano ng Panginoon sa pader.

Imahe mula sa opisyal na Facebook page ng ABS CBN News

Ayon sa residenteng unang nakakita nito, naglalakad siya noon sa dalampasigan nang mamasdan ang tila imahe ng mukha ni Hesukristo. Nagulat umano siya, nanghina ang katawan, at  napasigaw kaya tinawag niya ang kaniyang mister at tinanong kung ano ang kahulugan nito. Matatandaang dumanas ang Davao ng halos sunod–sunod na kalamidad nitong 2019.

Marami sa mga residente ang naniniwala na ito ay isang himala mula sa langit. Gaya na lamang ng welder na si Lindley Dagatan, na bagama’t nakaramdam ng alinlangan noong unang marinig ang balita, agad namang nagsindi ng kandila at umusal ng panalangin nang makita mismo ng dalawang mata niya ang imahe.

Maliban umano sa malaking imahe ni Hesus na may koronang tinik, makikita pa raw ang isang anghel sa kanang bahagi ng pader.

Ayon naman sa Simbahang Katolika, magsasagawa sila ng imbestigasyon hinggil dito.

Sabi ni Reverent Father Dave Felizardo ng St. Francis Xavier Parish ng Governor Generoso, ang mensahe nito ay kailangan pang alamin; makabubuting manalangin at magnilay–nilay na lamang upang maunawaan ang tunay na diwa ng pagsilang ng Panginoong Hesukristo.

Sang–ayon naman ang mga residente na imbestigahan ng Simbahang Katolika ang naturang lumitaw na imahe ni Hesukristo, kaya hindi sila makapapayag na magiba ito.

Kaniya–kaniya namang opinyon ang mga netizens hinggil sa pangyayaring ito. Sabi ng isa, “Hindi dapat sambahin iyan, pero manalangin na lamang at magnilay sa pamamagitan ng panalangin. Hindi na kailangan ng anumang imaheng lumilitaw sa kung saan.”

“Iyan po ang patunay kung paanong tayong mga Pilipino ay may masidhing pananampalataya sa ating Panginoon. Respetuhin na lamang natin sila kung gusto nilang mag–alay ng bulaklak at kandila,” turan naman ng isa.

Imahe mula sa opisyal na Facebook page ng ABS CBN News

Komento naman ng isa, ” How did they know it was the image of Jesus Christ? Nobody has seen Jesus before and nobody knows how he looks like.” 

Marami pa rin sa mga Pilipino ang naniniwala sa mga milagro o himala sa kabila ng makabagong panahon.

Loading…