Ipon pa more! Dating “tomadero”, malapit nang maging milyonaryo

  • Ibinida ng isang dating “tomadero” ang kaniyang matagumpay na pag–iipon
  • Sa laki ng kaniyang ipon sa buong taon, maaari na siyang maging milyonaryo
  • Gusto niyang maging inspirasyon sa iba pang mga manginginom na ipunin na lamang ang pera sa halip na itoma

Malapit nang magtapos ang taong 2019, at sa taong 2020, isa sa mga goals o bucket list na inilalagay sa mga “New Year’s Resolution ang pag–iipon. Sabi nga ng mga eksperto sa usaping pampananalapi, nasa tamang habit ng pag–iipon at pagtitipid lamang iyan. Disiplina ang kailangan.

Katulad na lamang ng ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “Randy” sa Facebook page na “CHINK + IPONARYOS”, ang page ng financial expert at money coach na si Chinkee Tan. Mula sa dating pagiging manginginom, ngayon ay malapit na siyang maging milyonaryo!

Imahe mula sa Facebook page na CHINK + IPONARYOS

Ayon sa Facebook post ni Randy, gusto niyang makapagbigay ng inspirasyon sa ibang tao kaya niya ibinahagi ang kaniyang kuwento. Hindi nakatapos ng pag–aaral si Randy, aminadong manginginom at walang patutunguhan. Nagtrabaho siya sa mga BPO companies bilang call center agent subalit lahat ng suweldo niya ay napupunta lamang sa toma.

Naging ESL tutor daw siya hanggang sa nabasa niya ang isa sa mga aklat ni Chinkee Tan na “Diary ng Isang Pulubi”. Marami raw siyang mga karanasan na naiugnay sa mga ibinahagi ni Chinkee sa aklat na iyon. Para daw siyang sinampal. Kaya naman, binawasan niya ang pag–inom at sinimulan ang pag–iipon.

“Binawasan ko rin pag–iinom ko. Yung dating inom ko na 2-3x a week naging twice a month na lang. Sinubukan ko mag–save as much as I can. Naging kuripot pagdating sa inuman. Kumbaga yung dating nagpapakuha ng toma umaambag na lang. At syempre nagbibigay na rin ng mas malaki–laki sa bahay dahil sa mga perang nase–save na dating napupunta sa inuman,” saad ni Randy.

Imahe mula sa Facebook page na CHINK + IPONARYOS/Public Domain Image

Kaya naman, buong pagmamalaking ipinakita ni Randy na ang kaniyang ipon sa buong taon ay halos umabot ng kalahating milyong piso, nangangahulugang kaunting pagsusumikap at ipon pa, isa na siyang certified milyonaryo! Labis ang kaniyang pasasalamat kay Chinkee Tan dahil sa inspirasyong dulot nito sa kaniya.

“Maraming salamat Sir Chinkee. Isa kang malaking inspirasyon sa akin. Alam ko marami pa akong kakaining bigas pero at least nakapagsimula na ako sir… Sana tulad ko ma–inspire din kayo sa mga aklat ni Sir Chinkee Tan.”

Pagbati sa iyo, Randy! Ipagpatuloy mo lamang iyan. Pinatunayan mong posible ang “from tomadero to milyonaryo!”

Source :

Facebook

Loading…