Karne ng rabbit mas masustansiyang alternatibo sa ibang karne, ayon sa DA

  • Isinusulong ng Department of Agriculture ang pagkain ng karne ng rabbit
  • Mas masustansiya raw kasi ito kumpara sa mga karne ng baboy at manok
  • Isang kainan sa Cebu ang naghahain ng Pinoy dishes gamit ang karne ng kuneho

Marami sa atin ang kilala ang hayop na rabbit o kuneho bilang alaga. Dahil sa cute na hitsura nito, marami ang natutuwang alagaan ang mga ito. Nakaaaliw ding panoorin ang mga ito na naglalaro sa kanilang mga kulungan at palundag-lundag sa mga zoo at farm.

Pero maliban sa pagiging cute na alaga, maaari na rin daw gawing panlaman tiyan ang mga kuneho. Ayon sa Department of Agriculture (DA), mas masustansiyang alternatibo raw ito kaysa sa karne ng baboy at manok kaya naman isinusulong nila ang rabbit farming.

Larawan mula sa Wikipedia

Mas mababa ang calorie at cholesterol content ng rabbit meat kumpara sa baboy at manok. Ayon din sa DA, hinihikayat nila ang farm animal raisers na mag-alaga ng mga kuneho upang sumikat ang mas masustansiyang meat alternative. Mas mura din umano ang pag-aalaga ng mga kuneho kaysa sa ibang meat producing animals.

Nilinaw din ng mga awtoridad na hindi ipinagbabawal ang pagkain at pagbebenta ng karne ng rabbit. Hindi pa lamang daw ito sikat ngayon at nasa pagbibigay pa ng awareness sa publiko na maaaring kainin ang karne ng kuneho. Aprubado at regulated rin ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang karne ng rabbit.

Naging matunog ang pagkain ng rabbit dahil sa binuksang restaurant sa Mandaue City, Cebu na isang kainan kung saan mabibili ang mga lutuing gawa mula sa karne ng kuneho. Tinawag na ‘D Bunnychon,’ espesyal na putahe nila ang roasted rabbit.

Naghahain din sila ng iba pang Pinoy favorites na gawa sa karne ng kuneho tulad ng sisig, kaldereta, bola-bola, at lumpia. Wala naman daw pinagkaiba ang lasa sa ibang karne ayon sa mga suki ng kainan. Kung ‘di raw sasabihin na rabbit meat ito ay hindi mo malalamang kuneho ang kinakain mo.

Larawan mula sa Wikipedia

Pahayag ng may-ari ng kainan na si Daryl Garcia, itinayo niya ang negosyo upang makapagbigay ng healthy options sa kanilang mga kababayan. Ngunit paglalahad niya, hindi madali na ipaunawa sa mga Pilipino ang sustansiya ng karne ng kuneho. Kinailangan pa nga nilang magpaskil ng nutritional facts tungkol sa karne ng rabbit sa kanilang kainan sa isang food court.

Umaasa naman ang DA na unti-unting tatanggapin ng mga Pilipino ang karne ng kuneho katulad ng pagtanggap sa duck meat. Maglulunsad pa raw ang ahensiya ng mga programa upang mapabatid sa mga mamamayan ang sustansiya ng karne ng kuneho.

Loading…