Konstruksyon ng Metro Manila Subway project sinimulan na, mga residenteng apektado ng proyekto binayaran na

  • Konstruksyon ng Metro Manila Subway project opisyal nang sinimulan
  • Nagsagawa na ng clearing works sa partial operability section ng proyekto
  • Sa partial operability section sa Valenzuela City nakapaloob ang unang istasyon ng subway, ang subway depot at Philippine Railway Institute

Sinimulan na ng Department of Transportation (DOTr) ang clearing works sa lugar ng partial operability section ng Metro Manila Subway Project. Hudyat ito ng pagsisimula ng konstruksyon ng kauna-unahang underground train system sa bansa.

Imahe mula sa DOTr

Nakapaloob sa partial operability section ng proyekto ang mga unang istasyon na itatayo sa Valenzuela City at sa Quezon City, ang subway depot sa Valenzuela City at ang Philippine Railway Institute na siyang kauna-unahang railway training center.

Tinawag na “Project of the Century,” ang subway train line ay inaasahang makapagsilbi ng hanggang 370,000 pasahero araw-araw sa unang taon ng full operations nito. Target ng DOTr ang partial operability ng subway system sa taong 2021.

Isang seremonya ang isinagawa nitiong Sabado, ika-21 ng Disyembre, sa Barangay Ugong sa Valenzuela City para sa pormal na pagsisimula ng proyekto.

Kabilang sa seremonya ang pamamahagi ng mga tseke at pagpirma ng mga absolute deed of sale sa mga residente na ang mga ari-arian ay matatamaan ng proyekto. Mayroon ding testimonial video presentation ng mga apektadong informal settler families na nailipat na sa Disiplina Village sa Barangay Bignay ng Valenzuela City.

Imahe mula sa DOTr

Pinangunahan ni DOTr Secretary Art Tugade ang nasabing seremonya.

“This gathering today is the primodial trigger to be able to start the subway. That is why this gathering is important. Wala naman ‘hong proyektong mai-implement kung ‘yung babagtasin mo na daan ay hindi pa nasolusyunan,” ani Tugade.

“Ngayong araw na ‘hong ito ang signal na para bang sinasabi nating parating na ang subway,” pahayag pa ng kalihim.

Imahe mula sa DOTr

Ang Metro Manila Subway Project ay isang 35-kilometer railway line na babagtas mula sa Valenzuela City hanggang sa Ninoy Aquino International Airport.

Inaasahan ang full operations ng subway system sa 2025.

Imahe mula sa DOTr

Loading…