Kumare, nagalit sa ninang ng anak dahil hindi branded na sapatos ang regalo nito

  • Naghihinakit ang isang netizen sa kaniyang demanding na kumare na humihingi ng branded na sapatos para sa kaniyang inaanak
  • Sawa na raw kasi ang kaniyang anak sa mga laruang ibinibigay nito
  • Nang hindi siya mapagbigyan, nagalit ang kumare at sinabihan ang netizen na mayabang; bukod dito, bin–lock din siya sa Facebook bilang kaibigan

Tapos na ang Pasko, subalit patuloy pa rin ang paglalabasan ng mga hinanakit ng ilang mga ninong at ninong sa pagiging labis na demanding ng kanilang mga kumare o kumpare hinggil sa pagbibigay ng regalo sa kanilang mga anak.

Hindi napigilan ng isang netizen na si Ni Ho na ibulalas sa pamamagitan ng Facebook post ang kaniyang hinanakit sa kaniyang kaibigan at kumareng hindi niya pinangalanan, dahil nagalit umano ito sa hindi niya pagbibigay ng branded na sapatos sa kaniyang inaanak, na humantong sa pagkasira ng kanilang pagkakaibigan.

Ibinahagi niya ang conversation threads ng kanilang usapan sa messenger.

Imahe mula sa Facebook account ni Ni Ho

Salaysay ni Ni Ho na nasa wika ng Cagayan de Oro, isang araw ay nagulat umano siya dahil bumati ng “Good morning” ang kaniyang kumare, na matagal na umanong hindi nagpaparamdam sa kaniya. Kahit daw sa kaniyang mga Facebook post ay ni hindi nagla–like ang kumare.

Sa buod ng usapan, nagdemand ang kaniyang kumare na bigyan naman ng isang branded na sapatos ang kaniyang anak sa Pasko dahil sawang–sawa na raw ito sa mga laruang ibinibigay nila.

“At first, nagulat ako nang nag–Good morning ka sa akin? Even like sa mga post ko, hindi ka naman nagla-like. Masakit sa parte namin na sabihan mo na nakakasawa na ang mga laruang binibigay namin sa anak mo. Everytime, nagbibigay kami ng laruan sa anak mo, natututuwa naman siya,” salin sa wikang Tagalog ng post ni Ni Ho.

Salaysay pa niya, kahit hindi Pasko ay binibigyan nila ng pera at damit ang inaanak sa tuwing nagkikita sila ni kumare. Dahil isang taong gulang pa lamang ang inaanak, alam niyang hindi naman ito demanding dahil ano bang malay nito sa mga branded na gamit?

“Kahit pa nga na hindi Pasko at sa tuwing nagkikita tayo ay binibigyan namin yan ng pera, at binibilhan ng damit. Te, hindi pa naman siguro marunong mag-appreciate ang 1 year old na bata, di pa naman yan marunong mag– demand sa kung ano ang kanyang mga gusto.”

At dahil hindi napagbigyan ang gusto ni kumare, sinabihan umano sila na mayabang, kahit pinaliwanagan na niya ito na sobrang gipit at may pinaglalaanan sa pera. Bukod dito, bin–lock din siya nito sa Facebook.

Public Domain Image

“Sobrang gipit namin ngayon dahil sa meron din kaming pinaglalaanan sa pera, pero lahat ng mga laruan na binibigay namin sa anak mo ay bukal sa aming kalooban. Huwag mo namang sabihin sa amin na mayabang kami kasi hindi hindi kami nagmamayabang.”

Hindi makapaniwala si Ni Ho na mawawasak ang pagkakaibigan nila ni kumare dahil lamang sa hindi niya napagbigyan ang kapritso nito para sa kaniyang anak. Labis umano siyang nasaktan sa ginawa ng kaniyang kaibigan.

“Masisira ang ating pagkakaibigan dahil lang sa isang sapatos na gusto mong ipabigay namin sa anak mo. Akala ko totoo ang pangangamusta mo sa amin, meron ka lang pa lang kailangan. Hindi ko naman na sana ito ipo–post, pero nasaktan din ang pagkatao ko sa ginagawa mo sa amin.”

Dagdag pa niya: “Pasalamat ka dahil inedit ko pa ‘to para di makita ang mukha mo at meron pa rin akong respeto sa’yo. Sobrang mahal ng 1200 te, halos nga hindi kami makabili ng kahit tig-100 na sapatos. Mula noong inaanak namin ang anak mo, grabe na talaga ang pagkademanding mo sa amin na dapat mabigyan ng ganito at ng ganyan.”

Pati ang mga netizens ay hindi napigilang magbitiw ng komento hinggil sa demanding na kumare. Dapat daw, hayaan ang mga ninong at ninang na magbigay nang naaayon sa kanilang puso, at syempre, depende na rin sa budget dahil mahirap kumita ng pera ngayon.

Isa rin itong paalala sa ating lahat na ang mga ninong at ninang ay tatayong gabay o pangalawang magulang sa ating mga anak, at hindi “palabigasan” tuwing Pasko at iba pang okasyon.

Loading…