Lalaki kinagigiliwan dahil sa pagsusuot ng Santa suit habang naglalako ng pandesal

Imahe mula sa PNA | Noel Veloso
  • Kinagigiliwan ang isang pandesal vendor mula sa Quezon City dahil sa pagsusuot niya ng suit and tie habang naglalako
  • Dahil panahon ng Kapaskuhan, pula ang isinusuot niya bilang pagsunod sa kulay ni Santa Claus
  • Gimik lang daw sana ito pero dahil nakita niyang nagustuhan ito ng mga suki ay ipinagpatuloy niya nang gawin

Isang pandesal vendor sa Greater Lagro sa Quezon City ang kinagigiliwan ng kaniyang mga suki dahil sa kakaibang gimik upang makahatak ng mas maraming customer.

Imahe mula sa Wikipedia

Ternong pulang suit and tie ang suot ni Alven Balasabas o Mayor Alven, 33, sa kaniyang pagtitinda para sa panahon ng Kapaskuhan. Kinukumpleto ito ng “potpot,” ang tawag sa pinatutunog niya upang ipahiwatig na parating na siya.

Sabi ni Mayor Alven, gimik lang sana ang ginawang pagpopostura pero dahil ikinatuwa ito ng mga suki ay tinuluy-tuloy na niya ito. Ngayon daw ay may koleksyon na siya ng iba’t ibang suit and tie.

“Para sa akin iba talaga ang naka-postura kasi malinis tingnan. Nakakatuwa minsan kasi nakakabenta talaga nang mas marami tapos kapag lumalabas ako natatawag pa ako na attorney, minsan naman seaman,” sabi niya. “Kapag Pasko naman minsan nagdi-disensyo pa ako. Para sa akin maganda kasi nakakapagbigay ka ng saya sa mga customers mo, ‘pag matuwa sila, matuwa rin ako.”

Hindi nawawala ang mga negatib0ng komento sa ginagawa ni Mayor Alven pero pinipili niyang mag-focus na lang sa mga ngiting naibibigay niya sa mga tao.

“Nasasabihan ako noon, ‘O saan ka ibubur0l’, mga ganoon. Mayroon talagang mga gano’n, hindi maganda pero ako ayos lang, hindi ko na pinapansin. Basta marangal ang trabaho ko,” sabi niya.

Imahe mula sa PNA | Noel Veloso

Pangarap daw sana ni Alven na maisuot ang mga naipong suit and tie bilang isang ganap na abogado, pero ayon sa kaniya wala na siyang pagkakataong mag-aral dahil sinusuportahan niya ang kanyang mga magulang.

“Gusto kong maging abugado, kaso wala na po akong plano mag-aral kasi tumutulong na po ako sa mga magulang ko pero kung magkaroon ng oras at pera iyon ang iniisip ko,” sabi niya.

Source :

PNA

Loading…